Bagamat nanalo sa pamamagitann ng isang buzzer-beater 3-pointer, hindi opensa ang aasahan ng Far Eastern University (FEU) kundi depensa sa kanilang nakatakdang pagsabak ngayon sa National University (NU) sa itinuturing na isang epikong UAAP Finals ng Season 77 basketball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.

“Team defense, ‘yun ang kailangan namin para makamit ‘yung hangad naming championship,” pahayag ni Tamaraws ace guard Mike Tolomia makaraang pumasok ang koponan sa finals makalipas ang tatlong taon nang patalsikin ang nakaraang taong kampeon na La Salle.

Ngunit bukod sa depensa, kailangan din nilang maipagpatuloy ang kanilang teamwork na mas pinatibay pa ng kanilang pagtitiwala sa kakayahan ng bawat isa, patunay dito ang kanilang huling play sa nakaraang Final Four round na siyang naging susi sa kanilang pagpasok sa finals.

Ito ang desisyon ni Tolomia na ipasa ang bola sa kakamping si Mac Belo na pinagkatiwalaan niyang tumira sa huling basket ng FEU kung saan ay nakataya ang kanilang panalo sa halip na ilagay sa kanyang mga kamay ang karapatan at pagkakataon na maipanalo ang Tamaraws.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Iyon naman talaga ang philosophy ng team and I hope we can maintan that lalo sa finals,” ani FEU coach Nash Racela.

Sa panig naman ng NU, nangako si Bulldogs coach Eric Altamirano na paghahandaan nilang mabuti ang finals upang hindi naman masayang ang oportunidad na ibinigay sa kanila.

“Sabi ko nga, we’ve broken our Walls of Jericho, so nandito na kami, malapit na kami sa Promised Land. We’re going to really prepare well (for the Finals).”

Gaya ng paniniwala ng FEU, hindi pa sila dapat na magbunyi dahil hindi pa nila tunay na nakakamtan ang tagumpay at sisikapin nilang makamit ito sa pamamagitan ng dobleng pagpupursigi at disiplina.

“It’s a great step we did, but personally, I’m not yet satisfied. We need to push ourselves. I’m pretty sure that with hard work of discipline, we can get it,” pahayag ni NU center Alfred Aroga.

Ayon pa kay Altamirano, ibang level na ang kanilang magiging laban kaya hindi na nila bibigyan ng pansin ang nakaraang eliminations kung saan hindi sila nanalo kahit isang beses sa Tamaraws.

“We’ll throw everything out pagdating sa Finals. It’s not about the numbers, it’s not about the stats. Kami, we will just prepare physically and mentally for that game.”

Samantala, maliban kina Tolomia at Belo, inaasahang magkakaroon din ng mahalagang papel para sa Tamaraws, hangad na tapusin ang kanilang siyam na taong title drought matapos ang huling kampeonato noong 2005, sina Axie Iñigo, Roger Pogoy, Carl Cruz, Anthony Hargrove at Raymar Jose.

Para naman sa Bulldogs na naghahangad ng kanilang unang titulo matapos ang 60 taon magmula ng huling magkampeon noong 1954, inaasahang makakatulong ni Aroga sina Gelo Alolino, Glenn Khobuntin, Henry Betayene, Paulo Javelona at Troy Rosario.