Nahaharap na masibak sa serbisyo ang isang police makaraang makapatay ng isang waiter at makasugat ng isang bouncer nang magwala sa loob ng isang bar sa Lapu-Lapu City, Cebu kagabi gamit ang kanyang service pistol.

Sinabi ng Lapu-Lapu City Police Office nakunan umano sa closed-circuit-television camera ang kaguluhan sa loob ng bar na kinasasangkutan ng pulis na si Insp. Rogelio Amoroso, nakatalaga sa Law Enforcement Section ng naturang himpilan.

Bigo naman ang pulisya na pangalanan ang waiter na napatay at bouncer na nasugatan sa insidente.

Agad na naaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Tumanggi rin si Amoroso na magbigay ng pahayag pero sinabi nito sa pulis na may sumuntok sa kanya sa loob ng bar kaya nagpaputok ito ng kanyang baril.

Sinampahan si Amoroso ng mga kasong murder at frustrated murder bukod pa sa kasong administratibo na nakaamba laban sa kanya.