NEW YORK (AP) – Muling pinangunahan ng Microsoft co-founder na si Bill Gates ang bagong listahan ng Forbes magazine ng 400 pinakamayayamang Amerikano sa ika-21 sunod na taon.
Inilabas nitong Lunes, halos walang nagbago sa listahan ngayong 2014, pero nakita na ang mayayaman ay mas lalo pang yumaman. Ang pinagsama-samang yaman ng mga kasali sa listahan ay umakyat sa 13 porsiyento at nasa $2.29 trillion na, bunsod na rin ng mas matatag na U.S. stock market.
Umabot na sa $81 billion ang kabuuang yaman ni Gates, tumaas ng $9 billion kumpara noong 2013.
Nanatili naman sa ikalawang puwesto ang investor na si Warren Buffett, ang may-ari sa Berkshire Hathaway, Inc., sa yaman na $67 billion. Kasunod pa rin niya ang Oracle Corp. co-founder na si Larry Ellison na $50 billion naman ang net worth.
Tied pa rin sa fourth spot ang magkapatid na Charles at David Koch, co-owners ng Koch Industries, Inc., na may yamang tig- $42 billion.
May 27 namang bagong pangalan sa listahan, kabilang ang WhatsApp co-founder na si Jan Koum sa ika-62 puwesto. Pebrero ngayong taon nang ihayag ng Facebook ang plano nitong pagbili sa mobile messaging app sa halagang $19 billion.
Pinakamalaki ang nadagdag sa yaman ng Facebook CEO na si Mark Zuckerberg, na nasa eleventh spot; nadagdagan ng $15 billion ang net worth niya at nasa $34 billion na ngayon.