Ni ELLSON A. QUISMORIO
Umaaray na ang mga lider ng Liberal Party sa maagang paghahanda ng oposisyon para sa 2016 national elections.
“Nababahala na ang ilan sa aming mga miyembro dahil ang iba ay naghahanda na. Subalit ito ay isang katotohanan na dapat naming tanggapin. Kailangang maghintay muna ang pulitika dahil ang dapat naming unahin ay ang pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan,” pahayag ni Department of Transportation and Communication (DoTC) Secretary Joseph Emilio Abaya, acting president ng Liberal Party.
Ayon kay Abaya, wala silang panahon upang makapagplano sa susunod na eleksiyon. “Nakapag-uusap lamang kami tungkol sa eleksiyon tuwing may libre kaming oras at ito ay hindi sapat.”
Aniya, marami sa kanilang miyembro ay abala sa paglilingkod bilang mga kalahim, lider ng Kamara at Senado, at maging ang Pangulo ng bansa.
Aminado ang opisyal na una nang nakapostura ang United Nationalist Alliance (UNA) nang gawin itong isang bagong partido pulitikal ni Vice President Jejomar C. Binay na siyang pinakamatunog na presidentiable sa hanay ng oposisyon.
“Mas maraming mapipiliang kandidato ang mga botante at ito ay mabuti sa demokrasyan,” komento ni Abaya sa UNA.
Sa pagiging abala sa iba’t ibang isyu na bumabalot sa DoTC, maging si Abaya ay hindi pa rin nakapagdedesisyon kung tatakbo sa 2016 elections.
“No I am not. I don’t want to be a Vice President. Being in DoTC is already an enlightening and soulsearching experience for me. It is fulfilling, though very challenging because we are overworked and overloaded,” pahayag ni Abaya.
Kamakalawa, naiulat na nagbitiw si Senate President Franklin Drilon, chairman ng Liberal Party, na si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang manok ng administrasyon sa susunod na eleksiyon.