Hiniling ng University of the Philippines (UP) sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (SOLGEN) sa Korte Suprema na pigilan ang pamahalaang lungsod ng Quezon sa pagsubasta sa UP-Ayala Land Technohub.
Sa 13-pahinang petition for certiorari, hiniling ng UP na magpalabas ang Supreme Court (SC) ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagsubasta ng UP-Ayala Land Technohub, at mapawalang-bisa ang Statement of Deliquency at Final Notice of Deliquency na nag-oobliga sa UP na bayaran ang mahigit P117 milyong pagkakautang sa real estate taxes para sa nasabing property.
Noong Hulyo, nag-abiso na ang Treasurer ng Quezon City na ibebenta ng lokal na pamahalaan ang nasabing property ng UP para ipampuno sa hindi nito nabayarang real estate tax.
Ang UP-Ayala Technohub ay ang mahigit 380 libong metriko kwadrado na lawak ng property sa UP Diliman na inuupahan ng Ayala Land Incorporated.
Sa petisyon, iginiit ni Acting Solicitor General Florin Hilbay na ang UP ay exempted o libre sa pagbabayad ng real extate tax alinsunod na rin sa nakasaad sa charter nito, ang Republic Act 95-00.
Sa ilalim umano ng Section 25-a ng batas, ang kita at assets ng UP ay libre sa pagbabayad ng buwis at sakop umano ng probisyong ito ang mga property ng UP na ginagamit para sa edukasyon at bilang pangsuporta sa operasyon ng unibersidad.