LEGANES, Iloilo – Isa pang mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) sa Panay Island ang inaresto.
Kinilala ni Major Ray Tiongson, tagapagsalita ng 3rd Infantry Division (3ID) ng Philippine Army, ang nadakip na si Norberto Castor, na pinaniniwalaang deputy secretary ng NPA Central Front sa Panay Island.
Kilala bilang “Ka Marlon” o “Ka Greg”, inaresto si Castor ng pinagsanib na puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa Leganes, Iloilo bandang 5:30 ng umaga kahapon.
“Itinuturing si Castor na isa sa senior cadres ng NPA sa Central Panay Island. Binibiktima niya ang mga sibilyan at naninira ng mga ariarian,” sabi ni Tiongson.
May warrant of arrest din si Castor sa mga kasong multiple murder at frustrated murder.
Siya ang huling lider ng NPA na nadakip sa Panay Island.
Noong Agosto, inaresto sa Iloilo si Eduardo Almores Esteban, na dating NPA secretary ng Ilocos Cordillera Regional Party Committee.
Nasa kustodiya na ng Police Regional Office (PRO)-6 si Castor. - Tara Yap