Sasailalim si Senator Jinggoy Ejercito Estrada sa Magnetic Resonance Imaging (MRI) dahil sa sumasakit na balikat.

Sa pagdinig sa kanyang bail petition noong Lunes ng umaga, pinagbigyan ng Sandiganbayan Fifth Division ang hiling ng Senador, na pumunta ngayong Miyerkules ng umaga sa Cardinal Santos Medical Center para sa MRI.

Sinabi ni state prosecutor Atty. Maria Janina Hidalgo sa graft court na wala siyang pagtututol sa gagawing MRI.

Gayunman, sinabi ni Fifth Division Chairman Roland Jurado na ang biyahe sa hospital ay gagawin sa maximum security.

DepEd, isinusulong ang kahalagahan ng rights-based education

Pahihintulutan ang Senador na umalis sa kanyang selda sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame dakong 8 ng umaga patungo sa ospital at kailangang makabalik sa hapon ng parehong araw.

Matapos ang MRI, inatasan ni Fifth Division Associate Justice Alexander Gesmundo ang mga abogado ni Estrada na isumite sa kote ang resulta nito.

Nagpasalamat naman si Estrada kapwa sa prosecution at Sandiganbayan sa pagpapahintulot sa kanyang sumailalim sa MRI.

Ayon sa Senador na nagsimula siyang makaramdam ng kirot sa magkabilang balikat noong nakaraang taon at palala ito.

Dahil ang PNP General Hospital sa Camp Crame ay walang MRI, sinabi ni Estrada na kailangang gawin ang pagsusuri sa ibang ospital. - Jeffrey Damicog