LEGAZPI CITY – Naghain ng temporary restraining order (TRO) petition si Albay Gov. Joey Salceda sa Supreme Court laban sa memorandum circular ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagbabawal sa provincial buses sa Metro Manila.

Itinatalaga ng naturang LTFRB circular na hanggang Alabang sa Muntinglupa City na lamang ang mga bus mula sa Katimugan at bawal na ito sa ibang bahagi ng Metro Manila.

Ayon kay Salceda, ang petisyon ay bilang malasakit sa mga pasaherong probinsiyano at mga provincial bus operator na lubhang mapeperhuwisyo ng naturang circular na inilabas nang wala man lamang konsultasyon o babala.

Ang inihain niyang Petition for Prohibition and/or Mandamus sa SC ay naaayon sa Sections 2 and 3, Rule 65 ng Rules of Civil Procedure. Ang petisyon ay laban sa LTFRB, Department of Transportation and Communication (DOTC) at Metro Manila Development Authority (MMDA).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pinupuwing ng petisyon ang “constitutionality” ng LTFRB Memorandum Circular No. 2014-015 na pinamagatang ‘Defining the Metro Manila endpoints of Provincial Public Utility Buses originating from Southern Luzon, Bicol and Visayas to Metro Manila as the endpoints of their current routes and for other purposes.”

Ipinaliwanag ni Salceda na ang kanilang petisyon sa SC ay kumakatawan sa mga karapatan ng libu-libong biyahero sa Manila mula sa Albay at operators ng mga 235 bus na may Albay-Metro Manila franchises.

Sumumpa ang mga bus operators sa Albay na wala mang konsultasyon sa kanila ang LTFRB bago nito inilabas ang Memorandum Circular nito.

Ayon sa kanila, nilabag ng kautusan ang Section 1, Article III ng Bill of Rights sa nagsasaad ng “no person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the laws.”

Binigyang-diin ni Salceda na ang pagbawal sa provincial buses sa Metro Manila ay hindi naman makareresolba sa traffic problem nito. Ang dapat nilang pagtuunan ng pansin ay ang 800,000 utility vehicle; 400,000 kotse; 120,000 truck, at 1.4 milyong tricycle na higit na nagpapasikip doon.