Huwag kang gumaya sa ginagawa ng nakararami. Umuusbong ang tagumpay sa pagsalungat sa agos. Ang karamihan ng mga tao ay hindi nagtatagumpay dahil tagasunod lamang sila. Ang isang leader ay hindi natatakot na sumubok ng bago. Ang isang leader ay nagbabahagi ng kanyang kaalaman upang umunlad din ang iba - upang sila rin ay maging leader. Ipagpatuloy natin ang iba pang mahahalgang bahagi ng tagumpay...
- Gamitin ang imahinasyon. - Sa pamamagitan ng imahinasyon, marami kang mapagpipilian. Kung pakiramdam mo ay napako ka na sa iyong trabaho dahil wala ka nang pupuntahan, gamitin mo ang iyong imahinasyon upang makita mo ang mas maraming oportunidad; na marami ka pang naa-accomplish. Ang matatagumpay na tao ay may napakaaktibo at makapangyarihang imahinasyon. Sa pamamagitan lamang ng imahinasyon makikita ang solusyon.
- Makakita ng mga oportunidad kahit saan. - Magkaroon ng kakayahang makakita ng oportunidad saan ka man magpunta at sa kahit ano pa ang iyong ginagawa. Kahit sa pinakamalalang negatibong situwasyon ay mayroong oportunidad na matuto at lumago. Kapag nakakita ka ng oportunidad kahit saan, mas marami ka pang oportunidad na makikita. Mas marami kang mapagpipilian, mas maraming ideya, mas maraming karanasan, mas maraming paraan na magtagumpay.
- Unahing alisin amg mga balakid sa iyong tagumpay. - Upang hindi ka tamarin, unahing alisin sa iyong landas ang maliliit na bagay. Kapag nagawa mo na ito, magkakaroon ka ng malawak na espasyo at oras sa pagtahak mo sa landas ng tagumpay. Upang madali mong maabot ang tagumpay, huwag mong hayaang abalahin ka ng malilit na bagay; kaya isantabi mo muna iyon upang maatupag mo ang malalaki at mahahalagang bagay na may kinalaman sa iyong inaasintang tagumpay. Upang makapagsulat ako nang maginhawa para sa pahayagang ito, inuuna ko ang maliliit kong tungkulin sa bahay tulad ng paglilinis, pagluluto at asikaso sa mga miyembro ng aking pamilya. Kapag natapos ko na ang mga iyon, saka ako uupo sa harap ng aking computer at buong ginhawa akong nakapagsusulat. At kapag naipadala ko na sa email ang aking mga artikulo, iyon ay isa na namang malaking tagumpay para sa akin.