Ganap na naangkin ng rookie-tandem nina Cherry Rondina at Rica Rivera ng University of Santo Tomas (UST) ang outright finals berth makaraang pataubin ang defending champion pair nina Amanda Villanueva at Marleen Cortel ng Adamson University (AdU), 21-13, 17-21, 16-14, sa UAAP Season 77 beach volleyball tournament sa UE Caloocan sand court.

Nakapagbanta pang humirit ng Final Four ang Lady Falcons matapos makauna sa matchpoint, 14-13, kasunod ng kanilang pagtatabla sa laro sa 1-1 dahil sa naitalang panalo sa second set.

Ngunit hindi natinag ang Tigresses, sa pangunguna ni Rondna, na siyang umatake sa laro mula sa nasabing punto.

Humataw ang 17-anyos na si Rondina sa huling tatlong puntos ng UST na siyang nagbigay sa kanila ng panalo.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Dahil sa pagwalis ng pitong laro nila sa eliminations, umusad ang Tigresses sa kanilang ikaapat na sunod na finals appearance na may bitbit na thrice-to-beat incentive.

“Kahit bumaba ang laro namin, naniwala pa rin kami sa isa’t isa dahil alam namin kaya namin ang kalaban,” pahayag ni Rondina, galing sa Compostela National High School sa Cebu. “Binantayan namin sa Adamson iyong long ball at iyong baon nila sa bola.”

Nakamit naman ng De La Salle, ang twice-to-beat incentive sa stepladder semifinals nang magwagi ang tambalan nina Kim Fajardo at Cyd Demecillo laban kina Michelle Morente at Jhoana Maraguinot ng Ateneo, 21-14, 21-13.

Hangad ang kanilang unang titulo sa event na nagsimulang laruin sa UAAP noong 2007, nagtapos ang Lady Spikers na may 6-1 kartada.

Tinalo naman ng tambalan nina Bernadette Pons at Charm Simborio ng Far Eastern University (FEU) ang University of the Philippines (UP), 21-17, 21-15, habang nanaig naman ang National University (NU) duo nina Jaja Santiago at Fatima General laban sa University of the East (UE), 21-15, 21-11.

Nagtabla sa barahang 4-3 ang Lady Tams, Lady Falcons at Lady Bulldogs, ngunit nakuha ng una ang No. 3 spot dahil sa superior quotient.

Sa men’s division, binigo naman ng defending champion na NU ang tangka ng UST na outright entry sa finals nang gapiin ng tambalan nina Edwin Tolentino at Josephnry Tipay sina Mark Alfafara at Kris Roy Guzman, 21-18, 21-17.

Nakahirit naman ang Adamson ng three-way tie sa unang puwesto na hawak ang barahang 6-1 matapos magtala ng 21-14, 21-19 panalo laban sa UP.

Sa kabila ng kabiguan, nakamit pa rin ng Growling Tigers ang No. 1 seed at twice-to-beat bonus papasok sa Final Four sa bisa ng mas mataas na quotient laban sa Falcons at Bulldogs na magtatapat pa sa playoff para sa No. 2 spot na may kaakibat ding twice-to-beat.

Nakopo naman ng FEU ang ikaapat at huling Final Four kasunod ng kanilang 21-15, 21-11 panalo laban sa Ateneo.