Tinatanggap ko ang hamon!

Ito ang pahayag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa pagtanggap sa hamon ng mga netizen na siya ay sumalang sa Ice Bucket Challenge at MRT Rush Hour Challenge.

Sa kanyang Facebook page, sinabi ni Valte na sasabak na siya sa Ice Bucket Challenge na may layuning makalikom ng pondo para sa pananaliksik ng sakit na Amyotrophic Lateral Sclerosis (ALS) dahil batid niya na kung gaano kamahal ang pagpapagamot sa naturang sakit.

Ang kanyang anak at kanyang mister ang nagbuhos ng yelo mula sa isang balde. Ang donasyon ni Valte ay inilaan sa Neurological Ward ng Philippine General Hospital (PGH).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bukod sa Ice Bucket Challenge, sumalang din si Valte sa MRT Rush Hour Challenge kahapon nang pumila ito sa North EDSA dakong 8:24 ng umaga at nakasakay sa tren ng 9:01 ng umaga.

Base sa kanyang ipinaskil sa Twitter, sinabi ni Valte na nakarating siya ng Pasay-Taft Station dakong 9:41 ng umaga. Hindi tulad ng pagsakay ni Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya na nakunan habang pinapayungan ng kanyang tauhan, walang bitbit na security si Valte nang ito ay sumakay sa MRT.

Noong Biyernes, sumakay rin ng MRT si Senator Grace Poe upang mapulsuhan ang damdamin ng mga pasahero na araw-araw na nakikipagsiksikan sa mass transit system na madalas ding magkaaberya. - Madel Sabater Namit