Hindi lang “Ice Bucket Challenge” ang tinanggap kahapon ng isang opisyal ng Malacañang kundi maging ang “MRT Rush Hour Challenge”.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na siya “[will] find time one of these days” para makasakay sa Metro Rail Transit (MRT) sa panahon ng rush hour.

Ang MRT Rush Hour Challenge ay halaw sa pandaigdigang worldwide fund-raising drive laban sa sakit na amyotrophic lateral sclerosis (ALS)—ang Ice Bucket Challenge.

Kabilang si Valte sa mga opisyal ng gobyerno na hinamon ng mga netizen na sumakay sa MRT nang rush hour upang personal na maranasan ang hirap na araw-araw na dinaranas ng mga pasahero, kabilang na ang ilang oras na pagpila hanggang sa labas ng terminal at siksikan sa loob ng tren.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Well, for one, I don’t have security—so that’s one of your conditions. I’ll find time to do it. Wala naman pong problema,” sinabi ni Valte sa panayam ng DZRB.

Kabilang din sina Pangulong Benigno S. Aquino III at Vice President Jejomar C. Binay sa mga hinamon ng netizen sa MRT Rush Hour Challenge.

Gayunman, tiniyak ni Valte na bagamat hindi nakakasakay sa MRT ang mga opisyal ng gobyerno ay batid ng pamahalaan ang hirap na dinaranas ng mga commuter.

Aniya, ito ang dahilan kaya paulit-ulit na humihingi ng pang-unawa ang gobyerno mula sa mga commuter habang kinukumpleto pa ang proseso sa pagbili ng mga bagong bagon para sa MRT.

Samantala, sinabi ni Valte na regular na sumasakay sa MRT si Interior Secretary Manuel Roxas II noong kalihim pa ng Department of Transportation and Communications (DoTC) ang huli.

Sinabi rin niya na si Presidential Spokesman Edwin Lacierda “also takes the MRT on some days.”

Pinuri naman ng mga netizen si Senator Grace Poe nang matagal itong pumila para makasakay ng MRT sa panahon ng rush hour noong Biyernes. Walang kasamang bodyguards at mamamahayag ang senadora.

Kabaligtaran nito, umani ng batikos sa social media si DoTC Secretary Joseph Emilio Abaya nang sumakay ng MRT ang kalihim nang off-peak hours noong Huwebes. - JC Bello Ruiz