Simula 12:01 ng madaling araw bukas ay huhulihin na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga provincial bus na wala pang tag na gagarahe sa Interim South Provincial Bus Station sa Alabang, Muntinlupa City.
Ito ang babala ni LTFRB Chairman Winston Ginez sa mga provincial operator, sinabing hanggang Agosto 31 lang maaaring magpalagay ng tag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na rito nakasaad na hanggang Alabang lang ang biyahe ng mga provincial bus.
Ayon kay Ginez, may 236 na provincial bus pa na Metro Manila ang end-point na prangkisa ang kailangang malagyan ng MMDA tag.
Ang kasadong panghuhuli ng SantiagoLTFRB sa mga provincial bus na walang tag ay alinsunod sa Joint Administrative Order na aabot sa P1 milyon ang multa kaya pinamamadali na ng ahensiya ang pagtugon ng mga apektadong provincial bus operator sa tagging scheme.
Dahil hanggang Alabang lang ang biyahe ng mga bus, inaasahang magiging problema ng ilang pasaherong may mabibigat na bagahe ang pagsakay muli sa panibagong Metro bus papuntang Pasay City at Quezon City dahil karamihan sa mga ito ay walang luggage compartment.
Inabisuhan naman ng HM Transport ang kanilang mga driver na tiyaking malalagyan ng MMDA tag ang mga hawak na bus upang makaiwas sa huli at mabigat na multa ng LTFRB.