Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)
12:45 – Air Force vs PLDT Home Telpad
2:45 p.m. – Army vs Cagayan
Bagamat nabigo sa Game One ng kanilang finals series sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference, nananatiling optimistiko si defending champion Cagayan Valley coach Nestor Pamilar hinggil sa kanilang tsansang maipagtanggol ang hawak na titulo sa liga.
Ayon kay Pamilar, kailangan lamang ng kanyang koponan na magkaroon ng “consistency” lalo na sa kanilang depensa sa muli nilang pagsalang ngayong alas-2:45 ng hapon kontra sa Philippine Army (PA) sa Game Two ng kanilang best-of-3 finals series.
Matatandaan na muntik nang hindi umabot sa semis ang Lady Rising Suns matapos silang mabigo sa apat na sunod sa quarterfinals bago naipanalo ang huling laban upang makamit ang ikatlong semifinals berth.
Kasunod nito ay winalis nila ang PLDT Home Telpad para makarating sa finals, dahilan upang manatiling optimistiko si Pamilar sa kanilang tsansa.
Sa panig naman ng Lady Troopers, tatangkain naman nilang mawalis na ngayon ang finals series para ganap na maiuwi ang kanilang hangad na ikalawang kampeonato sa liga kasunod sa pagkakapanalo nila sa unang Open Conference noong 2011.
“Balak naming tapusin na ito ngayon, kasi magsisimula na iyong isa pang liga na sasalihan namin para naman makapagpahinga kami kahit konti bago lumaro ulit,” pahayag ni Army coach Rico de Guzman na tinutukoy ang darating na AFP Olympics kung saan sila rin ang defending champoion magmula pa noong 2008.
Para naman sa Lady Rising Suns, gusto ni Pamilar na makabawi sa natamong kabiguan sa Game One, partikular sa fourth set kung saan ay tinambakan sila ng Lady Troopers at nilimitahan sa all-time finals lowest score na 5 puntos sa isang set.
“Nakakadismaya iyon, bigla na lang kaming nag-collapsed at ibinigay ang fourth set ng ganoon lang,” ayon pa kay Pamilar na sasandal kina Aiza Maizo, League’s Best Digger Shiela Pineda, Pau Soriano, Gizelle Sy, Wenneth Eulalio at Rosemary Vargas para makahirit sila ng winner-take-all Game Three.
Sa panig naman ni De Guzman, muli naman nitong sasandigan sina conference MVP Rachel Ann Daquis, at mga dating MVP na sina Nene Bautista, Jane Balse, Jovelyn Gonzaga at ang kanilang beteranang setter na si Tina Salak.
Una rito, tatangkain naman ng Air Force na tapusin na ang sarili nilang serye para sa third place ng PLDT Home Telpad na magsisimula sa alas-12:45 ng hapon.