Isusubasta ngayong linggo ang P161-milyon halaga ng glutinous rice o “bigas malagkit” sa pamamagitan ng sealed bidding ng Bureau of Customs (BoC).
Sa isang public notice, sinabi ni Customs District Collector Elmir dela Cruz na ang isusubastang bigas ay bahagi ng isang malaking shipment ng Bold Bidder Marketing (BBM) na nakumpiska matapos mabigong magpakita ng kaukulang importation documents.
Ang mga nakumpiskang produkto ay isusubasta bukas sa tatlong bulto.
Ang unang batch ay kinabibilangan ng 41,595 sako ng glutinous rice na nagkakahalaga ng P71.9 milyon.
Ang isa pang batch ng 36,400 sako ay nagkakahalaga ng P62.9 milyon, habang ang huling batch ng 15,589 sako ay nasa P26.9 milyon.
Sinabi ni De la Cruz na isusubasta rin ng BoC ang mga shipment ng white rice na pag-aari ng BBM.
Aniya, ang first batch ng 39,000 sako ay nagkakahalaga ng P50 milyon, habang ang isa pang bulto na 31,200 sako ay nagkakahalaga ng P40 milyon.
Inihayag ni Charo Lagamon, tagapagsalita ng BoC, na tinangka ng BBM na bawiin ang shipment matapos nitong hayaan na makumpiska at kinalaunan ay nakipagnegosasyon sa BoC district collector upang ito ay muling mapasakanila. - Samuel P. Medenilla