NEW YORK (AP)– Nagpakawala ng 70mph serves, at paminsan-minsang hinahawakan ang kanyang hamstring, pinilit ni Andy Murray na makuha ang panalo at nilabanan ang kanyang pulikat sa U.S. Open.
Nalampasan ni Murray si Robin Haase, 6-3, 7-6 (6), 1-6, 7-5, sa first round kahapon. Nagulat ito na maaga siyang nakaramdam ng pamumulikat, sa umpisa ng third set matapos lamang ang isa’t kalahating oras sa court.
‘’When it starts to kind of go everywhere, you don’t know exactly where it’s going to creep up next,’’ aniya. ‘’When you stretch one muscle, something else then cramps, too.’’
Nagsimula ito sa kaliwang balikat, at agad na kumalat sa braso. Hindi magawa ng right-handed na si Murray na maitapon ang bola ng mataas upang makapagbigay ng malalakas na serve.
Sa bawat puntos, inuunat ni Murray ang katawan. Sa bawat pagpalo sa isang winner, minamasahe niya ang binti.
Kampante ang eighth-seeded na si Murray sa kanyang pagpapakundisyon matapos ang kanyang pagsasanay sa Miami. Inisip nito kung ang dahilan ng pamumulikat ay dahil sa kanyang nutrisyon.
"Cramping in my left forearm?," ani Murray. ‘’I mean, I didn’t use my left forearm a whole lot today.’’
Nasa serve sa fourth set sa 5-3, nagkamit si Haas ng double-fault sa break point upang hayaan si Murray na makuhang muli ang serve. Umangat si Murray sa 6-5 nang kanyang makamit ang ikalawang serve ni Haase at ibalik ito para sa kanyang forehand winner.
‘’I don’t think if it would have gone to five sets I would’ve been the favorite,’’ sambit ni Murray.
May tatlong taon na ang nakararaan, siya at si Haase ay umabot sa limang sets sa New York, dito ay naghabol si Murray mula sa dalawang set na pagkahuli upang umabante sa ikalawang round.
Matapos ang kanyang pagkatalo, plano ni Haase na maghain ng reklamo sa ATP na tinanggihan siyang makakuha ng treatment sa kasagsagan ng laban dahil sa namamagang paa. Ngunit iginiit ng Dutchman na hindi nakaapekto sa kanya ang pagpapakita ni Murray ng sakit sa katawan.
‘’I was more busy with myself, and I was struggling myself,’’ saad ni Haase. ‘’I tried to play my game. It didn’t bother me what he did.’’
Sa kabilang dako, ang fifth-seeded na si Maria Sharapova, hindi nakapaglaro sa torneo noong nakaraang taon dahil sa injured right shoulder, ay matagumpay na nakabalik nang makuha ang huling 10 games upang talunin si Maria Kirilenko, 6-4, 6-0, sa matchup ng dalawang 27-anyos na Russians at matalik na magkaibigan.
Umabante rin ang 10th-seeded na si Caroline Wozniacki ng Denmark sa pagkuha ng 6-1, 3-6, 2-0, nang mapilitang tumigil si Magdalena Rybarikova ng Slovakia dahil sa nainjured na kaliwang balakang.
Kinailangan naman ng ninth-seeded na si Jo-Wilfried Tsonga ng apat na sets upang malampasan si Juan Monaco, 6-3, 4-6, 7-6 (2), 6-1. Si Nick Kyrgios, ang Australian teenager na tumalo kay Rafael Nadal sa Wimbledon, ay nakabawi mula sa tatlong code violations at nakuha ang 7-5, 7-6 (4), 2-6, 7-6 (1) upset na laban sa 21st-seeded na si Mikhail Youzhny.
Ang 24th seed na si Julien Benneteau ay natalo sa five sets ng kapwa Frenchman na si Benoit Paire.
Ang third-seeded na si Stan Wawrinka at fifth-seeded na si Milos Raonic ay kapwa nakausad sa susunod na round nang makakuha ng panalo sa kanilang kalaban sa pamamagitan ng straight sets.
Bago ito, tinalo ng 34-anyos na si Venus Williams ang 43-anyos na si Kimiko Date-Krumm, 2-6, 6-3, 6-3. Ang pinagsama nilang edad na 77 ang sinasabing pinakamatanda sa isang women’s Grand Slam pairing ayon sa WTA.
Nakasama ng 19th-seeded na si Williams sa susunod na round ang 21st-seeded American na si Sloane Stephens nang talunin si Annika Beck.
Naghabol naman mula sa isang set na pagkakaiwan ang second-seeded na si Simona Halep bago nakuha ang 6-7 (2), 6-1, 6-2 pagwawagi kontra sa 20-anyos na si Danielle Rose Collins, na naglaro sa kanyang unang first main draw match sa isang tour-level event.