Minsang nagbalak kaming mag-aamiga na mamasyal sa Vigan upang doon mismo bumili ng tanyag na langgonisang Vigan, matindi ang protesta ng isa kong amiga. Hindi raw siya sasama dahil sa kakaharaping gastos. Kilala ang amiga kong ito na sobra kung magtipid ng pera. Sa totoo lang, nang magkasakit siya at dalawin ko sa kanyang bahay, natagpuan ko siyang nagbabasa ng isang artikulo sa magazine tungkol sa kung paano makatitipid sa pera - mula sa regular na paglilinis ng refrigerator, sa maraming gamit ng lumang diyaryo, sa pagtitipid ng LPG, hanggang sa ilang beses magpapagupit ng buhok. Siya ang dahilan kung bakit hindi matuluy-tuloy ang mga balakin naming mag-happy-happy sa mga lugar na minumungkahi ng Department of Tourism na puntahan ng ating mga kababayan. Nagtitiis na lamang kami sa mga mall, tiangge, palengke, talipapa, ukay-ukay at bingguhan sa kanto.
Kaya ang pangarap naming kumain ng langgonisang Vigan sa Vigan mismo ay natupad naman nang hindi siya kasama. Pagbalik namin, pinasalubungan namin siya ng isang linggong supply ng masarap at mabangong langgonisang Vigan. Aniya, makatitipid siya sa almusal, tanghalian at hapunan. Ang mamuhay sa kanyang pilosopiya ay matipid nga at marami ka ngang maiimpok na pera.
Naniniwala ako na kapag hindi mo kinontrol ang iyong paggastos o ang malayang paglulustay ng salapi, hahantong ka sa napakaraming problema kalaunan. Ngunit may ilan sa atin ang may mas malalim na kahulugan sa pagtitipid. Nagugumon sila sa pag-iimpok ng bawat sentimo upang protektahan ang kanilang mga sarili kung sakaling bumagsak ang ekonomiya. Nananalig sila sa kanilang kakayahan sa halip na sa abilidad ng Diyos na tugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Gaano man kalaki ang maimpok nating salapi sa bangko, hindi sapat iyon upang pantayan ang yaman ng Diyos. Pag-aari Niya ang lahat pati na ang ginto, pilak, at mga hiyas sa daigdig. At sa Kanya rin ang daigdig. Siya na nangakong tutugunan ang lahat ng ating pangangailangan, ay taglay ang lahat ng resources sa sanlibutan. At namimigay Siya nang walang sukat. - VVP