ANG BAG KO! ● Sa tuwing lalabas ako ng aking pamamahay, magpupunta sa fast-food o sa convenience store o sa drug store, lagi kong iniisip na baka ako maaksidente o mapahamak bunga ng ating pagkawalang bahala sa anumang maaaring mangyari sa akin. Ang kaisipang iyon ang nagbibigay sa aking ng paalala na mag-ingat. Ngunit nitong nagdaang araw, napabalita sa TV na umatake na naman ang Salisi Gang.

Dinala nila ang kanilang operasyon sa isang restaurant sa Makati City. Sangkot dito ang isang babae at tatlo pang lalaki. Nakuha nila ang bag ng isang kustomer habang kumakain ito at walang kamalay-malay na napagnakawan na. Kung lagi nating iniisip na baka tayo mabiktima ng mga walang kaluluwang miyembro ng Salisi Gang, magiging alerto tayo sa ating mga dinadalang gamit, pera, cellphone, at sa mga isinasama nating paslit. Tunay ngang iba na ang nag-iingat. Kasama sa pag-iingat ang magkaroon ng emergency number ng pulisya na madaling tawagan sa sandali ng pangangailangan.

MAY BALA BA IYAN? ● Hindi naman masama ang selfie. Sa totoo lang, isang paraan ito upang makita mo ang good side ng iyong mukha kung nagpapakuha ka ng picture. Minsan nga, may tinatawag pang photo bomb – yaong sinadya man o hindi na pagsama ng ibang tao sa background o foreground ng subject ng larawan. Sa makakikita nito ay maaaring matawa o mainis dahil nga nabulaga ka na lang na may kasama ka nang “impakto” sa iyong likuran. Ngunit hindi ka matutuwa o maiinis sa napabalitang aksidente sa kase-selfie. Kamakailan lang sa Batangas, isang kinse anyos na binatilyo ang nag-selfie ngunit ang ginawa niyang props ay isang baril na may bala. Ayon sa balita, bago kumuha ng larawan ang binatilyo, iniumang niya ang baril sa kanyang baba. Sa halip na ang cellphone ang pindutin niya, ang gatilyo ng baril ang nakalabit niya. Nasa ICU ngayon ang binatilyo. Dumarami na rin ang aksidente na dulot ng kase-selfie. Kamakailan lang, anim na estudyante sa Bulacan ang nalunod dahil sa selfie. Noong Hulyo, isang estudyante ang nahulog sa hagdan at namatay dahil sa selfie.

Malaki ang pakinabang sa kaunting pag-iingat. Kung iisipin mo muna ang iyong kaligtasan bago ka magsagawa ng anumang bagay na hindi mo tiyak, hindi ka talaga mapapahamak. Matuto nawa tayo sa karanasan ng iba.
Probinsya

Dahil sa 5.8-magnitude na lindol: Kalsada sa Liloan, Southern Leyte, nagkabitak-bitak!