Buhat sa record na 87, aalamin kung sinu-sino ang mga bagong mukha at talento na matutunghayan sa darating na ika-40 taon ng unang “Asia’s play-for-pay league” na makikipagsapalaran sa idaraos na Philippine Basketball Association (PBA) Annual Rookie Draft ngayon.

Nakatakdang ihayag ng lahat ng 12 koponan na kaanib sa liga, kabilang na ang baguhang Kia Kamao at Blackwater Sports, ang kanilang mga mapipisil na manlalaro para mapabilang sa kanilang koponan sa gaganaping 2014 Gatorade PBA Rookie Draft na magsisimula sa ganap na alas-4 ng hapon sa Robinson’s Place Manila.

Mula kina world boxing icon at Kia Kamao coach Manny Pacquiao, matunog na Fil-Am top pick na si Stanley Pringle at sa dating national cadet players na sina Kevin Alas, Matt Rosser, Ronald Pascual at Jake Pascual, inaasahang darating ang kanilang mga supporter sa event na itinataguyod ng Midtown Atrium Robinsons Place Manila, Sexy Chef, Iwata at Magnolia Purewater.

Ang nasabing okasyon ang pormal na magbubukas sa ika-40 taon ng liga na nasa ilalim ng bagong board chairman na si Patrick Gregorio at PBA Commissioner Chito Salud.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa nasabi ring okasyon, bago pormal na simulan ang drafting, nakatakdang igawad ni Salud at nang mga miyembro ng board ang isang plake ng pagkilala kay outgoing chairman Mon Segismundo para sa kanyang matagumpay na pamumuno sa nakalipas na taon.

Unang pipili sa gaganaping draft na suportado rin ng Grilla, Shrimp Shack, The Old Spaghetti House, Inewvation, J.J. Sports Bar, Li-Ning, Sbarro at Dunkin Donuts ang Globalport na nauna nang nagpahayag na gagawin nilang top pick si Pringle.

Kung sakali, si Pringle ang magiging ikatlong guard na magiging top pick sa nakalipas na sampung taon kasunod nina Gabe Norwood noong 2008 at JV Casio noong 2011.

Susunod namang pipili ang Rain or Shine na wala pang pahiwatig kung sino ang kanilang pipiliin sa hanay ng rookie aspirants.

Kasunod naman ng Rain or Shine na nakuha ang second pick rights sa Meralco ay ang Barako Bull, ikaapat ang NLEX, ikalima ang Alaska, ikaanim ang Barangay Ginebra San Miguel, ikapito ang San Mig Coffee, ikawalo ang Barako Bull na nakuha ang rights galing sa Talk ‘N Text, ikasiyam ang Rain or Shine, ikasampu ulit ang Barako Bull na sa pagkakataong ito ay galing ang rights sa San Mig Coffee at pinakahuli sa first round ang mga baguhang Kia at Blackwater.

Kapwa walang pick sa first round ang Talk ‘N Text, San Miguel Beer at Meralco dahil sa mga naunang trades na naganap habang mayroong tatlong picks ang Barako at dalawa naman ang Rain or Shine.