Ni LESLIE ANN G. AQUINO
Posibleng ipagamit ang Pinoy jeepney bilang “popemobile” ni Pope Francis sa pagbisita nito sa bansa sa Enero 2015.
Ito ang inihayag ni Henrietta De Villa, dating Philippine ambassador sa Vatican, base sa mga rekomendasyon na gamitin ang “popemobile” upang masakyan ng Papa sa kanyang pag-iikot sa ilang lugar sa Pilipinas, partikular sa Tacloban City na matinding sinalanta ng super typhoon “Yolanda”.
“I think they are thinking about something like that, an open-topped popemobile jeepney,” sabi ni De Villa sa panayam.
“Since he rode a small Korean-made car in Korea, it was suggested that maybe it’s also a good idea to have him experience ride our jeepney,” dagdag ni De Villa, na miyembro ng organizing committee sa unang pagbisita ni Pope Francis sa bansa.
Kilala bilang simple at makumbabang lider ng Simbahang Katoliko, matatandaan na sumakay si Pope Francis sa mga ordinaryong sasakyan na Kia Soul (isang maliit na four-door hatchback) at Hyundai Santa Fe (isang medium-size SUV) nang bumisita ito sa South Korea kamakailan.
Sa kanyang paglalagi sa Europe, ilang beses din itong namataan habang sumasakay ng ordinaryong bus at taxi.
Subalit iginiit ni De Villa na wala pang desisyon ang kanilang grupo kung anong uri ng sasakyan ang gagamitin ng Papa sa kanyang pagdating sa Pilipinas.