Pinagkalooban ng temporary exemption sa panghuhuli ng mga colorum vehicle ang mga ‘di rehistradong truck-for-hire na nagseserbisyo sa Port of Manila upang mabawasan ang pagsisiksikan ng mga kargamento sa container yard.

Sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Ginez na exempted lamang sa colorum vehicle crackdown ay ang mga operator na nakakuha ng Port Users Certificate at Provisional Authority na ipinalabas ng Philippine Ports Authority (PPA) at LTFRB.

Ipinaliwanag ni Ginez na ang pagbabalik ng “No Apprehension Policy” ay bahagi ng rekomendasyon ng isang working committee na itinatag ng Cabinet Cluster on Manila Port Decongestion sa ginanap na pagpupulong noong Agosto 15. Kinatigan ni Ginez ang rekomendasyon ni Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya na siyang nag-apruba ng hakbang noong Agosto 18.

Ayon sa record ng LTFRB, 10,000 unit lamang mula sa 12,145 truck-for-hire, na kinabibilangan ng mga prime mover o tractor head at stake/straight truck, ang nagseserbisyo sa Port of Manila ang nag-apply at nabigyan ng Provisional Authority to Operate ng LTFRB.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Kasabay ng pagpapalabas ng PPA ng Port Users Certificate sa 2,145 truck-for-hire, sinabi ni Ginez na tatanggap pa rin ng mga aplikasyon para sa Certificate of Public Convenience at Provisional Authority esklusibo lamang sa mga port user sa itatayong one-stop shop simula sa Martes. - Kris Bayos