Gagawin na bilang isang lehitimong internasyonal na karera ang DoubleDragon Boat Race na gaganapin ngayon sa Iloilo.
Ito ang napagkasunduan ng mga opisyal mula sa organizer na Office of the Senate President Franklin M. Drilon, Philippine Sports Commission (PSC) at DoubleDragon Properties Corporation sa mithiing mapalaganap ang adbokasiya at pagmamahal sa kapaligiran sa pamamagitan ng Dragon Boat Race.
“We want to include it in the international calendar of Dragonboat races,” sinabi ni Edgar “Injap” Sia II, Chairman & CEO ng DoubleDragon Properties Corp. na siyang magtataguyod sa mga susunod na karera.
Aprubado din ang panukala ni Senate President Franklin Drilon na hangad maipakita ang progreso sa pagpapalinis sa Iloilo River at mapalaganap din ang pag-aalaga sa iba pang natitirang ilog sa bansa.
Sinabi naman ni PSC Chairman Richie Garcia na maaring ilinya ng Iloilo ang DoubleDragon Boat Race sa mga ginaganap na malalaking karera sa bansa na katulad sa isla ng Palawan at Boracay upang maipakita sa mga turista ang kagandahan ng Iloilo River na nakahanay ngayon ang karera.
“We could arrange it in the calendar of dragonboat races held here in the country. We have races in Palawan and Boracay na dinarayo ng mga tourist and maybe they can travel after that papuntang Iloilo dahil malapit lang naman,” pahayag ni Garcia.
Unang sinimulan ni Drilon ang Dragon Boat Race noong 2012 upang ipakita ang husay ng mga atleta, bukod pa sa matutukan ang pangangalaga at pagmamahal sa ilog ng Iloilo at ipakilala ang lungsod bilang pangunahing sports tourism sa bansa.
“We aim to leave a legacy of a better environment. We want to project a consciousness effort and provide a better environment for the youth. It is not just a competition but for us all to leave a lasting legacy of a better environment, contribution to future generation,” paliwanag ni Drilon.
Una nang tinulungan ni Chairman Garcia ang torneo sa teknikal na aspeto at pagpapahiram ng ginagamit na bangka.
Matapos ang dalawang edisyon, aakuin ngayon ng DoubleDragon Properties ang kompetisyon kung saan ay kabuuang 15 koponan ang kumpirmadong sasabak.
Ang mga kalahok ay binubuo ng Boracay Sea Dragons Rowing Team, Manila Wave Paddlers’ Club, San Beda Dragon Boat Rowing Team, Bohol Paddler’s Association, John B. Lacson Foundation Maritime University Dragon Boat Team, St. Therese MTC–Colleges Dragon Boat Team, Philippine Marine Dragon Boat Team, Philippine Navy Dragon Boat Team at ang nakaraang taong kampeon na Boracay All Stars Dragon Boat.
Huling isinagawa ang 2nd Senator Franklin Drilon Cup Dragon Boat event noong Agosto 24, 2013 kung saan ay kabuuang 10 koponan mula sa Manila, Boracay, at Iloilo ang lumahok sa pinaglabanang 200 meter races na may kategoryang Men’s Open, Mixed, at Novice categories.
Ang Novice category ay nakalaan para sa bagong binuong koponan na tulad ng Ilonggo team na St. Therese College, John B. Lacson Maritime University, at Iloilo Transition na siyang tinanghal na kampeon sa kategorya.
Ang Boracay All-Stars ang nagkampeon sa Mixed category, habang ang Boracay Sea Dragons ang pumangalawa at pumangatlo ang PDRT.
Upang ipakita ang pagkakaisa sa dragon boat ay naghalu-halo naman ang mga manlalaro para sa Men’s Open top three na pinangunahan ng Boracay All-Stars/Sea Dragons kasunod ang PDRT/Spitfire at ang La Salle/UP.
Maliban sa DoubleDragon Boat Race ay gaganapin din ang triathlon event sa Iloilo City ngayong Oktubre.