Para sa mga aktibista, militante at maka-kaliwang grupo, si ex-Army Maj. Gen. Jovito Palparan ay isang “Berdugo”. Para naman sa mga tao o grupong anti-communist, si Palparan ay isang bayani na lumaban para masugpo ang karahasan, pananambang at pagpapahirap ng New People’s Army sa mga mamamayan, kabilang na ang mga magsasaka at mangingisda, sa kanayunan. Para sa kanila, ang NPA ang tunay na “Berdugo” ng bayan dahil pinapatay nila ang mga taong ayaw sumunod sa kanilang prinsipyo.
Binanatan ni PNoy ang mga pulitikong napakaaga diumanong nangangampanya o pumupustura para sa 2016 presidential elections. Look who’se talking Mr. President? Hindi ba ikaw ang nagpalutang kamakailan sa isang TV interview na pabor ka na ngayon sa Cha-Cha at bukas na rin sa term extension ng Pangulo gayong itinatakda ng Constitution na tanging anim na taon lang ang termino ng Pangulo? So, kabilang ka rin sa maagang nangangampanya.
Nang parunggitan mo ba ang mga pulitiko na nagsasagawa ng premature campaigning, ang pinatatamaan mo ba ay si Vice President Jojo Binay na ikot nang ikot ngayon sa maraming lugar sa bansa? Ang “manok” mong si DILG Sec. Mar Roxas ay nananatiling kulelat sa mga survey ng Social Weather Station at Pulse Asia samantalang si VP Binay ay nananatiling mataas ang approval ratings sa mga tao!
Nais daw yatang marinig ni PNoy ang boses ng kanyang mga “Boss” tungkol sa pag-aamyenda sa Constitution. Pakikinggan daw niya ang naisin nila. Mahal na Pangulo, ayaw ng mga “Boss” mo ang Cha-Cha at ang term extension at maging ang hangarin mong putulan ng kapangyarihan ang SC dahil nagalit ka nang idineklarang unconstitutional ang inyong DAP ni DBM Sec. Butch Abad.
Akala yata ni PNoy ay popular pa siya gaya noong 2010 nang makisimpatiya ang mamamayan sa kanya dahil sa pagyao ni Tita Cory. Wala na ang simpatiya lalo na ngayong sisirain mo ang legacy ng iyong ina na ayaw sa Cha-Cha at lalong ayaw sa pagpapalawig ng termino.