Itinanggi ng tinaguriang “pork barrel queen” na si Janet Lim-Napoles na isinangkot niya si Manila Rep. Amado Bagatsing sa P10-bilyon anomalya sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Nagsagawa ng paglilinaw si Napoles dalawang buwan matapos maghain si Bagatsing ng perjury charges laban sa kanya sa Makati City Prosecutors Office nang idawit ang mambabatas sa kontrobersiya.

“Allow me to clarify at the outset that I never stated that Rep. Bagatsing received or authorized anyone to receive on his behalf rebate or commission from Priority Development Assistance Fund allocations transactions involving any NGO connected with me,” saad sa pahayag ni Napoles.

“There was never anything in the statement that I ever stated or insinuated that Rep. Bagatsing was directly or indirectly involved or participated in the rebate,” dagdag niya.

National

Romina, napanatili ang lakas habang kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Sa kanyang complaint-affidavit na inihain noong Hunyo, sinabi ni Bagatsing na nilabag ni Napoles ang Article 183 ng Revised Penal Code matapos umanong banggitin ang kongresista sa 32-pahinang sinumpaang salaysay ni Napoles na may petsang Mayo 26 na kabilang ang una sa mga kongresistang nakakomisyon mula sa PDAF scam.

Ilang beses nang inihayag ni Bagatsing na wala siyang kinalaman sa pork barrel scam dahil hindi siya maaaring magpatupad ng proyekto mula sa PDAF noong 2007 dahil ang kanyang unang alokasyon mula sa kontrobersiyal na pondo para sa kanyang distrito ay 2008 lang inilabas. (Anna Liza Villas-Alavaren)