BUKÁS na si Pangulong Noynoy sa pag-aamyenda ng Saligang Batas. Tulad ng mga nauna sa kanya, maliban sa kanyang ina na si Pangulong Cory, hinahangad na rin niya na lumawig ang kanyang termino. Dalawang bagay ang dahilan nito. Una, bumigay na siya sa tukso. Napakahirap nga naman bitiwan ang kapangyarihang tinamasa mo sa loob ng anim na taon. Ikalawa, dahil may nauna na sa kanya na nakulong, ang isa nga ay kasalukuyang nakapiit pa, ayaw niyang maranasan ito. Alam niya na kapag nilisan na niya ang puwesto, maglalabasan na ang lahat ng puwedeng ibato sa kanya at siya ang unang nakakaalam kung may batayan ang mga ito.

Ngayon pa lang nga ay inuulan na siya ng mga bintang na walang pinag iba sa mga akusasyon na naging dahilan kung bakit nakulong ang dalawang Pangulong sinundan niya. Tatlong impeachment ang nakaumang na sa kanya sa kongreso pagkatapos na tanggihan ng kanyang kaalyado ang ikaapat. Madaling patayin ang mga ito dahil nakararami ang kaalyado niya sa Kamara na siyang unang didinig ng mga ito, pero madali namang buhayin ang mga ito bilang mga kasong kriminal kapag wala na siya sa panguluhan.

Pero, ang Saligang Batas ay siyang pinakamataas na batas sa bansa na hindi dapat baguhin dahil lamang sa personal na interes ng isa o iilan. Mawawalan ng pagka- permanente ito at magiging isang simpleng batas na lang na pwedeng baguhin sa anumang oras at panahon. Pero ang patutsada ng Pangulo ay sobrang lakas daw ng Korte Suprema at kailangan baguhin ang Konstitusyon upang pumatas ito sa ehekutibo at lehislatura na kapwa niyang departamento ng gobyerno. Ayaw ng Pangulo na idenedeklara ng Korte na ilegal ang gawain ng lehislatura at ehekutibo tulad ng PDAF at DAP. Hindi naman daw dating ganitong pakialamero ang Korte. Hindi nagbabago ang Korte. Binibigyan lang nito ng kahulugan ang Saligang Batas na isang buhay na dokumento na ang kanyang mga probisyon ay angkop sa lahat ng mga bagay o problema na susulpot anumang oras para remedyuhan sa ikabubuti ng taumbayan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente