Inabisuhan ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa ang mga motorista na asahan ang pagsisikip ng trapiko sa lugar na inaasahang maiipon ang 556 na provincial bus sa isang transport terminal sa Alabang matapos pagbawalang bumiyahe sa EDSA ang mga ito simula ngayong Lunes.
Ayon sa mga opisyal ng pamahalaang lungsod, matatagpuan ang South Transport Terminal sa South Station Shopping Center sa Alabang.
Ito ay matapos ipagbawal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 556 na out-of-line bus na bumiyahe sa EDSA.
Karamihan sa mga out-of-line bus ay nanggagaling sa Southern Luzon.
“Magtatalaga kami ng karagdagang traffic enforcer mula sa Muntinlupa Traffic Management Bureau, Public Order and Safety Office at Philippine National Police upang tumulong sa pagmamantine ng maayos na daloy ng mga sasakyan,” pahayag ni City Administrator Allan Cachuela.
Kasabay nito, umapela rin si Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi sa mga motorista at pasahero na makipagtulungan upang mapanatili ang kaayusan ng trapiko. - Jonathan Hicap