Sinilip ko ang aming bigasan na malaking timba, upang alamin kung kailangan ko nang bumili ng bigas. Nang tanawin ko iyon, napatitig ako sa medyo marami pang bigas. At doon ko nagunita ang dami ng perang pumapasok sa ating bansa bunga ng pagsisikap ng ating mga kababayan sa ibayong dagat – ang mga OFW na totoo namang mga bayani.

Nabalitaan ko nga kamakailan na nagtala ng pinakamataas na antas ng paglago ang personal remittance mula sa mga OFW nitong huling anim na buwan. Iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang remittances ay pumalo sa $2.3 bilyon hanggang nitong Hunyo lamang Dahil dito, umabot sa kabuuang halaga na $12.7 bilyon ang personal remittances galing sa ating mga kababayan sa ibayong dagat. Higit na mas mataas ito ng 6.2% kmpara sa naitala sa parehong panahon noong nakalipas na taon.

Ayon sa ulat, sinabi ni BSP Governor Amando Tetangco Jr., na ang tuluy-tuloy na pagtaas ng personal remittances mula Enero hanggang Hunyo 2014 ay sanhi ng mas mataas na halaga na ipinadadala ng mga land-based at sea-based OFWs. Tumaas din ng 5.9 percent year-on-year ang cash remittances na idinaan sa mga bangko matapos itong umabot sa $2 bilyon noong Hunyo 2014. Sa unang buwan ng anim na taon, ang cash remittances ay pumalo sa $11.4 bilyon na mas mataas ng 5.8% kumpara sa $10.8 bilyon na pumasok sa bansa sa kaparehong panahon noong 2013.

Hindi nakapagtataka na tuluy-tuloy ang pagpasok ng remittances sa ating bansa sapagkat mataas ang pangangailangan ng ibang bansa sa mga manggagawang Pilipino. Kasi naman, bunga ng kasipagan at walang angal sa hirap ang ating mga bayani sa ibayong dagat, nananatiling matibay ang ating ekonomiya. Kaya ang ating “bigasan” ng mga remittance ay siksik, liglig, at umaapaw.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho