Pinggang Pinoy? Aba, okey, hindi Platong Pinoy. Sa tunog lang kasi ay malaki na ang pagkakaiba ng pinggan sa plato. Ang pinggan ay malimit na naririnig sa mga probinsiya at karamihan ng nagsisigamit nito, kung hindi man masyadong yagit ay yaong karaniwan lang ang pamumuhay. Kasi, sa may sinasabing mga angkan, karaniwang tawag naman sa pinggan, plato.

Ngayon ay may programa o pakulo ang Department of Health (DOH) at ang National Nutrition Council (NC) na tinatawag nilang “Pinggang Pinoy”, isang food guide na dinebelop ng Food and Nutrition Research Council para i-promote ang tinatawag nilang healthy eating habit, na malamang ay kaiba sa nakagawiang tsibugin ng mga Pinoy.

Ayon kay NNC executive director Maria Bernardita Flores, gagamitin daw ang Pinggang Pinoy bilang kasangkapan para maganyak ang mga food establishment na mag-alok ng mas masustansiyang pagkain. Ipo-promote ng Pinggang Pinoy ang balance at iba’t ibang diet sa pamamagitan ng pagrerekomenda ng dami ng kain, gulay, protein source, at isda sa bawat pagkain. Madali raw maintindihan ang food guide na ito. Pero ang problema ay sino kaya ang makasusunod dito? Siguro ay iyon lamang may isusunod, pero iyong karamihang makain lamang ay wala, palagay ko ay suntok lamang ito sa buwan.

Siguro, ang pinupuntirya ng programang ito ay iyong tinatawag na mga obese dahil sa dami ng kinakain sapagkat kaya namang kumain nang kumain ay sobrang tumaba na para nang mga sumo wrestler. Pero ang mga yagit na nagsisipangayayat sa gutom, ang gustong kumain ay walang matsibug, ang malimit na dalawang beses lamang o hindi pa kung kumain sa maghapon, Malabo ang Pinggang Pinoy na ito. Limitado ang makasusunod gaano man kasimple ang guide sa tamang pagkain na kanilang ituturo. Papaano kang makakain ng balanseng pagkain kung wala ka ngang makain? Ang dapat na unahin ng gobyerno ay ang pagpapalago ng ekonomiya para mabigyan ng trabaho ang mga walang trabaho nang may nakakain man lamang sa oras ang kanilang pamilya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kung may trabaho ang mga Pinoy, kahit na gawing “Bandehang Pinoy” ang programa ay yakang-yakang sundin.