Ni LEONEL ABASOLA

Hiniling ni Senator Jose “Jinggoy” Estrada sa korte na payagang magsagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Labor, na kanyang pinamununuan, sa loob ng Campo Crame sa Quezon City kung saan siya kasalukuyang nakakulong sa kasong plunder.

Si Estrada ay pansamantalang pinalitan ni Senator Juan Edgardo Angara bilang chairman ng Senate Committee on Labor and Employment.

Sa kanyang mosyon sa Sandiganbayan First Division, hiniling ni Estrada na payagang magsagawa ng pagdiniig sa loob ng Camp Crame habang hinihintay ang desisyon ng korte sa kanyang apela na makapagpiyansa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nakasaad sa kanyang mosyon na maaring gawin ang pagdinig dahil may sapat na espasyo para sa mga dadalo tulad ng ginawa ni Senator Antonio Trillanes IV ng ito ay nakakulong pa sa kasong rebelyon noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Bago siya makulong nitong Hunyo, hiniling ni Estrada sa pamunuan ng Senado na si Angara ang itinalaga bilang kapalit niya sa Labor Committee habang si Senator Pia Cayetano naman ang magsusulong sa Anti-Discrimination in Workplace bill na ipinanukala ni Jinggoy.

Habang nakakulong, ikinakasa ni Estrada ang pagtataas ng night shift differential rate para sa mga call center agent; kaligtasan ng mga BPO worker; Institutionalizing a National Employment Facilitation Service Network for Persons with Disability; at pagpapataw ng multa sa mga paaralang nagpapatupad ng “no permit-no exam” policy.