Sa isang pagkakataong walang katapusan, minsan pa nating pauugungin ang mga panawagan hinggil sa pagbubukas at paggamit ng Bataan nuclear plant (BNP) na matagal nang nakatiwangwang sa naturang lalawigan. Kahit na ano ang sabihin ng sinuman, ang bilyun-bilyong pisong planta ng elektrisidad ay walang alinlangang magiging kapaki-pakinabang sa bansa.

Sa Japan, halimbawa, at maging sa iba pang bansa sa daigdig, matagal nang napatunayan ang kahalagahan ng mga nuclear plant sa pagpapaangat ng mga ekonomiya. Napagkukunan ito ng kuryente na nagpapakilos sa mga pabrika at iba pang negosyo. Maging sa agrikultura, ang naturang planta ay nagpapataas ng ani upang tayo ay magkaroon ng sapat na produksiyon.

Ngayong tayo ay ginigiyagis ng matinding krisis sa energy, isang epektibong instrumento ang nuclear plant. Isipin na lamang na sa Mindanao, halimbawa, ipinatutupad hanggang ngayon ang rotational brownout dahil nga sa kakulangan ng elektrisidad. Sa mga lugar na sinalanta ng malagim na kalamidad – tulad ng naganap sa Visayas nang manalasa ang super bagyo na si Yolanda – angkop na angkop ang nabanggit na planta.

Hindi na kailangan ang pagkakaloob ng emergency power kay Presidente Aquino upang lutasin ang patuloy na paglubha ng power crisis. Sapat na ang pagbubukas sa naturang planta ng elektrisidad sa pagkakaroon ng bastanteng energy na hinahangad nating lahat.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa pagkakataong ito, hindi na dapat maging hadlang sa paggamit ng BNP ang katotohanan na ito ay ipinatayo noong administrasyon ni Presidente Marcos. Ang anino ng lumipas ay hindi dapat maging balakid sa paglutas ng isang krisis na maaaring maging dahilan ng pagbagsak ng ating ekonomiya at ng ibayong pagsasakripisyo ng sambayanan, lalo na sa mga lugar na laging binabaha at binabagyo.

Tulad nga ng ipinahiwatig ni Senador Bongbong Marcos, kailangang mangibabaw ngayon ang kahalagahan ng nasabing nuclear plant sa buhay ng sambayanang Pilipino na pinanggalingan ng malaking pondo sa pagpapatayo ng planta. Sila – tayong lahat – ang dapat makinabang dito.