NI CHIT A. RAMOS
TOTOO kay Mark Bautista ang kasabihang ‘Never say never!’
“Ilang beses ko nang kinakawawa ang sarili ko sa paniniwalang hanggang dito na lang ako,” pagtatapat ng singer/actor na alaga ng Viva. “Marami na rin ang na’bigay sa akin na blessings ni Lord, nabigyan ko na ng tamang puhunan ang aking pamilya para sa isang magandang kinabukasan. At nakapagpasalamat na ako sa Viva Films at sa ating Panginoon. Pero, ngayon ko lubos na pinaniniwalaan ang laging sinasabi sa akin ni Boss Vic (del Rosario) na the best is yet to come.
“Nang tawagan nila ako kailan lamang para ibalita na ako ang napili ng British production na Here Lies Love, ang musical play tungkol sa buhay ni Imelda Marcos, at ako ang gaganap bilang President Ferdinand Marcos, pinagpawisan ako nang husto. Nahilo ako na parang nalulula. It took me sometime bago ko naunawaan ang balitang makakarating na ako sa London at magiging tampok sa musical play na ipalabas ng anim na buwan (simula October to January).
“Pinag-iisipan na rin namin ng ilang stage players na pumunta kami ng London para mapanood ang co-artist namin sa Viva na si Rachelle Ann Go. Bonggang-bongga kasi si Rachelle bilang Gigi sa revival ng Miss Saigon. Hinahangaan siya hindi lang ng mga Pinoy kundi ng mga British din. Gusto naming maging part ng ini-enjoy niyang tagumpay.
“Pero, heto, papunta na ako ng London ngayong buwan hindi lang para pasyalan si Rachelle kundi para maging tampok din sa isang world-class production.
“Hindi po ako nag-o-OA, pero nangingilabot po ako kapag sinasabi sa akin ni Boss Vic that I am truly world-class na ngayon.
“Puwede ko pa palang ipagpatuloy ang pangangarap. Mayroon pa palang naghihintay sa akin at the end of the rainbow,” aniya pa.
Iyon na nga lang, mauudlot na naman ang panliligaw niya sa isang magandang dalaga na pinaghirapan niyang hanapin, magmula nang makita niya ito sa TV.
“Nahanap ko na sana siya in person at nag-meet na kami. Na-invite ko na rin siya. Nag-dinner kami, pero it was on a friendly basis kasi. Probinsiyano kasi ako hanggang ngayon at siya ay mula rin sa isang istriktong pamilya. Pero wala akong magagawa, anim na buwan akong mag-i-stay sa London and that’s a long time.”