Isang 30-anyos na pintor ang nasawi matapos na dalawang ulit na hambalusin sa ulo ng baseball bat ng hindi pa kilalang suspek na nakaaway nito sa Paco, Maynila kahapon ng madaling araw.

Agad na nasawi si Danilo Pecayo, residente ng 1340 A. Burgos Street, Paco, habang mabilis namang tumakas ang hindi nakilalang suspek.

Batay sa ulat ni SPO1 John Charles Duran, ng Manila Police District (MPD), dakong 7:30 ng umaga nang mangyari ang krimen sa panulukan ng Pedro Gil Street at President Quirino Avenue.

Sinabi ng testigong si Justin Jazzie Pascua, 31, tindero ng dyaryo at residente ng 1558 Figueroa Street, Paco, nakita niya ang suspek na may hawak na stainless baseball bat at pabalik-balik sa paglalakad na parang may hinihintay.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Maya-maya ay nakita umano ni Pascua ang biktima at mga kasama nito na padating at saka pinagbabato ang suspek.

Dahil sa kagustuhang tamaan ang suspek ay lumapit pa rito ang biktima at muling pinagbabato ang kaaway, ngunit nakailag ang huli kaya nagawa siyang hambalusin ng baseball bat sa ulo.

Napasubsob sa bangketa ang biktima at nang akmang babangon ay nagsalita pa umano ang suspek at sinabing, “Babangon ka pa ha!,” sabay hambalos muli ng bat sa ulo nito.