Inihayag ng isang migrants advocacy group na humihingi ng tulong mula sa gobyerno ang may 500 overseas Filipino worker (OFW) sa Libya upang makabalik sa Pilipinas.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Susan “Toots” Ople, pangulo ng Blas F. Ople Policy Center, na nakatanggap siya ng mga ulat sa pamamagitan ng social media na marami pang OFW ang naipit sa kanilang pinagtatrabahuhan dahil mapanganib ang biyahe sa Tripoli, na roon nakasentro ang repatriation effort ng gobyerno ng Pilipinas.
Ayon kay Ople, ipinarating na niya sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang ulat upang maberipika ito at mabigyan ng kaukulang aksiyon.
At dahil ang mga OFW ay stranded sa Libya, hindi nila batid na mayroong isinasagawang repatriation ang gobyerno o kaya naman ay naghihintay pa sila ng sahod mula sa kanilang Libyan employer.
“Patuloy kaming nakakakuha ng mga message sa FB mula sa mga OFW sa Libya. Gusto na nilang makauwi. Hindi nila alam kung paano, habang ang iba ay hinihintay pa ang kanilang sahod,” ayon kay Ople.
Mula sa 13,000 Pinoy sa Libya, aabot lang sa 800 ang nais umuwi sa Pilipinas, ayon sa awtoridad. - Samuel P. Medenilla