Nakatakdang pulungin bukas ng Philippine Sports Commission (PSC) ang lahat ng technical directors ng national sports associations (NSAs) bilang paghahanda sa tatlong qualifying leg ng 2014 Batang Pinoy National Finals sa Bacolod City.

Sinabi ni PSC Games Secretariat head Atty. Jay Alano na ilalahad ang lahat ng 24 sports na paglalabanan sa taunang torneo para sa kabataang may edad 15 at upang mapag-usapan ang lahat ng teknikalidad at plano para sa ikaapat na edisyon ng torneo.

Magbabalik ang Batang Pinoy National Finals sa Bacolod matapos akuin ng kinikilalang ama at brainchild ng palaro na si Mayor Monico Puentevella ang pagiging punong-abala. Una nang umatras ang Iloilo City.

Kasalukuyan pang nakikipag-usap ang PSC hinggil sa eksaktong petsa ng National Finals na orihinal na nakatakda sa Disyembre 9-13.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“We are not sure of the date yet. Puwedeng mas maaga sa Disyembre o medyo late or before the Christmas break. It will depend on the availability of the facilities and the schools for the billeting of all the participants that’s why we’re going to also meet with Department of Education officials of Western Visayas,” sinabi ni Alano.

Matatandaan na ang Bacolod City ang nag-host ng National Finals noong nakaraang taon matapos na ilang beses na iniurong dahil sa mga kalamidad na sumalanta sa bahagi ng Silangang Pilipinas, partikular sa Eastern Visayas na siyang direktang tinamaan ng super typhoon ‘Yolanda’ (Haiyan) noong Nobyembre.

Magsisimula ang una sa tatlong qualifying leg ng Batang Pinoy sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur para sa Mindanao stage sa September 10-14 habang ang Visayas leg naman ay idaraos sa Kalibo, Aklan sa October 21-25. Ang Naga City sa Camarines Sur ang magiging host ng Luzon leg sa November 11-15.

Paglalabanan ang mga sport na arnis, athletics, lawn tennis, swimming, triathlon, weightlifting, softball, taekwondo, chess, cycling, futsal, volleyball, dancesport, cheerdance, badminton, 3X3 basketball, boxing, karatedo, sepak takraw, table tennis at wrestling.