Nagpasa ng isang resolusyon ang mga Metro Manila mayor na nag-aatas sa Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) na ipatigil ang pagpapatupad ng “No Apprehension Policy” sa mga colorum truck-for-hire na bumibiyahe sa Metro Manila at itinuturong dahilan na pagbibigat ng trapik sa lugar.
Ipinarerebisa rin ng Metro Manila mayors ang LTFRB memorandum circular kung saan binago ang ruta ng mga provincial at city bus na bumibiyahe sa Metro Manila.
Nagpalabas din si Quezon City Mayor Hebert Bautista, chairman ng Metro Manila Council-Special Traffic Committee ng isang resolusyon na nag-aatas sa LTFRB na huwag isama ang Metro Manila sa rationalization plan sa pagbabago ng ruta ng mga pampasaherong bus.
Sa kanilang ipinalabas na memorandum, binigyang diin ng mga punongbayan na dapat komunsulta muna ang LTFRB sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagbabago ruta ng mga pampublikong sasakyan bago magpalabas ang huli ano mang memorandum circular.
Matatandaan na isinisi ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa pagpapatupad ng LTFRB memorandum circular sa “No Apprehension Policy” para sa mga kolorum na truck-for-hire na nagbunsod ng pagtaas ng bilang ng mga truck na dumaraan sa Quezon City ng halos 80 porsiyento na nagpalala sa kondisyon ng traffic sa siyudad, partikular sa Katipunan at C-5 area, at karatig lugar nito. - Mitch Arceo