Luma nang sining ang paggagantsilyo. Kung hindi mo alam kung ano ang gantsilyo (knitting), ay ang paggawa ng mga bagay at kasuotan na gawa sa sinulid (yarn) na pinagbubuhul-buhol gamit ang isa o dalawang metal stick na may hook sa dulo. Nakawiwili ang paggagantsilyo at lilitaw ang iyong
pagkamalikhain kung magtiyaga ka lamang. Ngunit kapag natastas ang ano mang bahagi ng iyong ginagawa, magtutuluy-tuloy iyon sa pagtastas; kaya maingat itong ginagawa.
Nakahiligan ko ang paggagantsilyo nang ipagyabang ng aking amiga ang kanyang kurtina. Talagang namangha ako sa kanyang tiyaga. Ngunit nang ginagawa ko na ang isang mantel para sa aming hapag-kainan, natastas ang isang bahagi at laking panghihinayang ko sapagkat marami-rami na rin akong yarn na nagamit at ginugol na panahon upang marating ko ang halos kalahati na ng mantel. Anang aking amiga, “Maaari ka namang magsimula uli.”
Kung tutuusin, hindi naman mahirap magsimula. Kaya isinantabi ko ang panghihinayang at nagsimula akong muli. Nagresulta iyon sa mas magandang obra dahil hindi ko na binalikan ang aking mga pagkakamali sa paggagantsilyo.
Maaari rin naman ma-apply sa pang-araw-araw na pamumuhay ang prinsipyo ng pagsisimula uli. Balang araw, magkakaroon ka rin ng situwasyon kung saan maa-apply mo ang kaalamang ito. Tandaan: Hindi pa huli ang lahat. Hanggang may lakas ka pa at kaya mo rin lang, maaari kang makapagsimula uli pagkatapos ng kabiguan.
Kapag nagsisi ka sa iyong mga kasalanan, mayroon ka nang pagkakataong makapagsimula uli. Kung ang buhay mo ay parang gantsilyo na parang gawa ng isang paslit at natastas dahil na rin sa iyong mga pagkakamali, huwag kang panghinaan ng loob; maaari kang makapagsimula uli. Sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya, maaari kang makapagsimula uli. Lagi tayong may pagkakataong makapagsimula uli sa Diyos.
Panginoong Diyos, salamat po sa pagkakataong makapagsimula uli sa tuwing magkakamali kami. Patawarin Mo po kami sa aming mga kasalan upang magsimula ang aming kahandaang sumunod sa Iyo.