Itinalaga si Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte bilang bagong Pangulo ng Partido ng Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP Laban).
Sa isang Facebook post ni Sen. Robin Padilla nitong Sabado, Abril 11, inanunsiyo niya ang naturang balita.
Aniya, “Opisyal ng itinalaga ang Mayor ng Davao City bilang Pangulo ng PDP Laban! kapatid ng Bise Presidente at anak ng dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte.”
“Napakasarap ang pakiramdam kapag ang mga ipinagdasal ay nasasagot at ang mga pinangarap ay nagaganap,” dugtong pa ni Padilla sa isang hiwalay na post.
Matatandaang bago mailuklok si Duterte sa puwesto, si Padilla ang tumayong pangulo ng partido.
Pero noong Hunyo 2025, pansamantalang sinalo ni Duterte ang posisyong binakante ni Padilla para matutukan ang obligasyon nito bilang mambabatas sa pagsisimula ng 20th Congress.