Magkakaroon na rin ng implementasyon ang four-day work week setup sa Korte Suprema simula nitong Lunes, Marso 9, bilang tugon sa panawagang pagtitipid ng enerhiya sa kasasagan ng sigalot ng mga bansa sa Middle East.
Base sa Memorandum Circular No. 02 - 2026, ioobserba ng korte ang apat na araw na on-site at isang araw na work from home (WFH) arrangement, na nakalaan tuwing Biyernes.
Sa nasabing WFH setup, kinakailangan pa rin ng kahit 25% empleyado na naka-onsite sa bawat opisina at dibisyon ng Korte Suprema upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon.
Habang ang Office of the Chief Justice, Office of the Senior Associate Justice, Offices of the Associate Justices, Cash Collection and Disbursement Division of the Fiscal Management and Budget Office, Docket-Receiving Section of the Judicial Records Office, Management Information Systems Office (MISO) at Office of the Judiciary Marshals ay hindi kasama sa four-day work week at inaasahan na magpapatuloy sa kanilang regular na work arrangement.
Gayundin ang Sandiganbayan at Court of Tax Appeals na walang special work arrangements.
Samantala, ang Court of Appeals (CA) ay inaasahang sumunod sa four-day work week , kung saan 25% ng empleyado sa bawat opisina o dibisyon na required pumasok onsite ay binubuo ng tatlong hukom, na nasa “rotation basis” at maaaring tumugon sa mga agarang request para sa petitions for extraordinary writs, petitions and motions na konektado sa Republic Act No. 9160 o Anti-Money Laundering Act.
Kasama rin sa mga saklaw ng four-day work week arrangement ay ang mga nasa antas ng hukuman (first-level court) at ikalawang antas (second-level courts) ng hukuman.
Sa single-sala courts, ang mga namumunong hukom o presiding judges ay maaaring mag-onsite work simula mula Lunes hanggang Huwebes, kung saan ang Biyernes ay nakalaan sa WFH o on-site work mula Martes hanggang Biyernes habang WFH naman ang Lunes.
Sa multiple sala-courts, inaasahan na ang apat na araw na pagpasok on-site at isang WFH arrangement ay “alternate” ang pag-iimplementa, kung saan, sa loob ng isang linggo, ang “odd-numbered” branches ay inaasahang papasok on-site Martes hanggang Biyernes kung saan ang Lunes ay nakalaan sa WFH.
Habang ang “even-numbered” branches naman ay inaasahang papasok on-site mula Lunes hanggang Huwebes, kung saan ang Biyernes ay nakalaan sa WFH.
KAUGNAY NA BALITA: 4-day workweek, pansamantalang ipatutupad sa ilang executive offices ng pamahalaan
Sean Antonio/BALITA