'WE ARE WORKING OUT'
Inihayag ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na wala pang mass repatriation para sa mga Pilipinong nasa Middle East, kasunod ng nagpapatuloy na sigalot.
Matatandaang ayon kay Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola nitong Lunes, Marso 2, nasa 32 turista at 22 Overseas Filipino Worker (OFWs) ang nagpahayag ng kanilang kagustuhang makabalik na ng bansa.
Maki-Balita: Ilang mga turistang Pinoy at OFWs, humiling na ng repatriation sa gobyerno
Samantala, sa isang press briefing nito ring Lunes, sinabi ni Cacdac na bagama't isinaayos na ang pagpapauwi sa mga Pilipinong nais na umuwi ng Pilipinas, ay wala pa silang isinasagawang mass repatriation.
"Doon sa mga nag-manifest na nais na nila ding umuwi, we are working out along with the DFA and the host countries yung manner which we will start moving people through these exit points," ani Cacdac.
"Walang mass repatriation sa ngayon kasi yun po ay mandatory level which is Alert Level 4, but for the countries in the Gulf and Israel, hindi pa ho tayo humantong sa level ng repatriation," dagdag pa niya.
Nabanggit din ng Kalihim na may 80 OFWs sa Dubai ang humiling na ng repatriation, na kasalukuyang na sa Alert Level 2.
"Kaya we are also preparing bagama't sarado ang airspace sa Dubai at ang airports... kaya mayroon din tayong paghahanda," ayon pa kay Cacdac. "At the appropriate time sila naman ay ililikas na pabalik sa bansa."
Sinabi rin niya na nagbibigay na sila ng assistance sa mga Pinoy na apektado ng sigalot sa Middle East tulad ng pagbibigay ng pansamantalang matutuluyan at mga basic needs.
Mayroon din daw silang dineploy na transport services onsite para sa mga Pilipinong nais na lumipat sa ibang lugar.
"Meron tayong mga shelters. The shelters is a combination of host countries provided shelters at meron tayong sariling Migrant office o OWWA Shelters onsite," paliwanag ni Cacdac.
Nakahanda na rin daw ang pondo ng pamahalaan kagaya ng necessary funds, action funds, at OWWA funds para sa pagbibigay ng pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino, lalo na sa mga nawalan ng trabaho.