Nadakip ng mga awtoridad ang isang carnapper na tumangay sa minamanehong taxi ng isang senior citizen sa Quezon City matapos maipit sa matinding daloy ng trapiko.
Sa ulat ng TV Patrol nitong Lunes, Pebrero 2, agad na pinosasan ang suspek at diniretso sa Cubao Police Station matapos layasan ng carnapper ang taxi sa kahabaan ng EDSA dahil sa naipit sa traffic.
Nangyari umano ang insidente bandang hapon noong Linggo, Pebrero 1, sa E. Rodriguez, Quezon City.
Batay sa ulat, nakipaghabulan pa ang suspek sa mga dumakip na pulis hanggang sa madakip siya sa kanto ng Ermin Garcia Street.
Ayon sa panayam kay P/Lt. Col. Joy Leanza, hepe ng Quezon City Police District (QCPD)-Cubao Station 7, walang nagawa ang carnapper kundi abandonahin ang ninakaw na taxi na naipit na nga sa trapiko, upang hindi masukol ng mga awtoridad, kaya tumakas na siya.
Salaysay naman ng biktima, isinakay niya ang suspek patungong Mindanao Avenue hanggang sa maya-maya, tinutukan na siya ng ice pick at sapilitang pinababa sa sasakyan. Mabuti na lang daw at natulungan siya ng isang security guard kaya nahabol nila ang taxi.
Naibalik naman sa senior citizen na driver ang kaniyang minamanehong taxi.
Umamin naman ang suspek sa kaniyang nagawa sa sasakyan pero mariin namang pinabulaanang sinaktan niya ang biktima.
Napag-alaman naman ng pulisya na dati nang naaresto ang suspek dahil naman sa isyu ng droga, noong 2023. Balik himas-rehas ngayon ang suspek matapos kasuhan ng paglabag sa anti-carnapping act.