Tila nakadikit na sa simbolong “X” ang negatibong konotasyon. Marka ito ng kamalian sa konteksto ng classroom, halimbawa. Ginuguhitan ng guro ng ekis ang item na mali ang sagot sa test paper ng estudyante.
Sa Mathematics, kinakatawan ng “X” ang hindi tukoy na quantity o variable.
Sa mundo naman ng internet, mayroong website na tatlong ”X” ang pangalan kung saan matatagpuan ang mga content na puro kalaswaan ang laman.
Gayundin ang social media platform na X, dating twitter, na tila espasyo para magbatuhan ng putik sa isa’t isa.
Pawang negatibo ang lahat ng ito kung susumahin.
Kaya naman hindi nakapagtataka kung sinisita ng ilang tao ang mga gumagamit ng “X” bilang pamalit sa “Christ” ng “Christmas” para mapaikli ito at maging “Xmas.”
Tila kalapastangan daw kasi na iugnay ang simbolong ito sa pangalan ng tagapagligtas ng mga Kristiyano.
Ngunit batay sa alpabetong Griyego, ang “X” ay isang letra na kung bigkasin ay ”chi” o “khi.” Kaya kung mapapansin, “X” ang nasa unahan ng tekstong Χριστός na nangangahulugang “Kristos.”
Ginamit din umano ng mga sinaunang Kristiyano ang “X” bilang simbolo ng sikreto sa panahon kung kailan tinutugis at pinapatay ang mga tagasunod ni Kristo.
Samakatuwid, may pangkasaysayang batayan ang pagdadaglat sa “Christmas” bilang “Xmas.”