December 19, 2025

Home FEATURES Trending

KILALANIN: Si dating DPWH Usec. Catalina Cabral

KILALANIN: Si dating DPWH Usec. Catalina Cabral
Photo courtesy: MB

Sumakabilang-buhay na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Maria Catalina Cabral, madaling araw nitong Biyernes, Disyembre 19, matapos mahulog umano sa bangin.

Kinumpirma ng Benguet Provincial Police Office ang pagpanaw ng dating opisyal bandang 12:03 AM matapos itong matagpuan umano na “unconscious” at “unresponsive” malapit sa ilog ng Bued sa Tuba, Benguet.

MAKI-BALITA: Dating DPWH Usec. Cabral, pumanaw matapos mahulog umano sa bangin

Kaya nagpaabot ng kanilang pakikiramay ang DPWH nito ring Disyembre 19, kung saan mahigit 40 na taon naglingkod si Cabral. 

Trending

French fries outlet, nilansihan franchisee matapos umanong maghain ng business proposal?

“The Department of Public Works and Highways (DPWH) extends our deepest condolences to the family of former Undersecretary Maria Catalina Cabral during this very difficult time,” saad ng ahensya. 

MAKI-BALITA: DPWH, nakiramay sa pagpanaw ni dating Usec. Cabral

Dahil dito, sino nga ba si dating DPWH USec. Cabral at ano ang naging gampanin niya sa pamahalaan?

Ayon sa kaniyang profile sa National Irrigation Administration (NIA), si Cabral ay isang licensed engineer, na mayroong doctorate degree sa Business Management at Public Administration. 

Isa rin siyang Ph.D candidate sa Urban and Regional Planning sa University of the Philippines (UP), at may hawak ng tatlong master’s degree at certificates mula sa mga pamantasan ng Wharton, Harvard Kennedy School, at Mohamed Bin Zayed University, na saklaw ang mga paksang data analytics, digital transformation, at Artificial Intelligence (AI).

Bukod sa mga naging mataas na pag-aaral ni Cabral, siya rin ay gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang babaeng empleyadong rank-and-file na nakaabot sa posisyon ng pagka-Undersecretary sa DPWH. 

Bilang Undersecretary para sa Planning and Public-Private Partnership (PPP), si Cabral ang nakaatas sa infrastructure planning at programming ng DPWH, at implementasyon ng mga proyekto ng PPP. 

Si Cabral rin ang naging kauna-unahang babaeng pangulo ng Philippine Institute of Civil Engineers (PICE), kung saan kalauna’y nanilbihan siya bilang pangulo ng Road Engineering Association of the Philippines. 

Taong 2021, si Cabral ang naging Professional Chair sa Engineering Science and Technology sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). 

Kabilang sa mga naging pagkilala kay Cabral ang 2021 PEZA Galing Pinas Ecozone Partnership Award, ang 2021 PRC Outstanding Professional of the Year in Civil Engineering, at 2020 Excellence Award mula sa Philippine Federations of Professional Associations. 

Kasama rin sa mga naging pagkilala ni Cabral sa bansa ang pagkakabilang sa Five Outstanding Filipino (TOFIL) Awardees Laureates for Government and Public Service noong 2022, na iginawad ng Junior Chamber International (JCI) Senate Philippines.

Ang Manila Times Global Excellence Award, Brand Asia Award bilang Top Leader of Excellence in Humanitarian and Public Service; at ang Philippine Resilience Awards for Women, noong 2023. 

Ang Circle of Excellence Awardee ASIA-CEO Woman of the Year noon namang 2024. 

Bukod sa lokal na mga pagkilala, nanomina si Cabral sa ilang internasyonal na parangal tulad ng GREE Women in Engineering Award ng World Federation of Engineering Organization noong 2019; United Nations Public Service Awards for SDG 5 – Gender and Equality noong 2022; Asian Civil Engineering Coordinating Council (ACECC) Achievement Award noon ding 2022; ang Women’s International Network on Disaster Risk at Reduction (WIN-DRR) at  Presidential GAWAD CES Award noong 2024. 

Si Cabral ay isa ring commissioned officer ng Reserve Force of the

Armed Forces of the Philippines, kung saan may ranggo siya na Lieutenant Colonel sa Philippine Army. 

Pagkasangkot sa maanomalyang flood control projects

Matatandaang umugong ang pangalan ni Cabral nang madawit ito sa mga opisyales na iniimbestigahan hinggil sa mga anomalya sa flood control projects ng pamahalaan simula noong Setyembre. 

Ito ay matapos ituro ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na umano’y tumawag si Cabral sa staff ni Sen. President Vicente Sotto III para sa insertion sa proposed budget para sa 2026, noong katatapos pa lamang ng May 2025 senatorial elections. 

Setyembre 9, naiulat na kinumpirma ni Cabral na nakatanggap umank ng ₱51 bilyon si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte para sa infrastructure projects ng unang distrito ng lungsod sa huling tatlong taon ng termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

Ang nasabing pagkumpirma ay mariing pinabulaanan ni Duterte at hinikayat na mag-”background check” ang mga mamamayan sa mga kongresistang parte ng Makabayan bloc, at ‘wag lang Davao ang tutukan. 

Iginiit din niya na ang mga proyekto nila sa Davao ay totoo at nakikita ng mga Davaeño . 

Setyembre 18, naiulat na tinanggap ni DPWH Sec. Vince Dizon ang isinumiteng courtesy resignation ni Cabral, at binanggit na bilang pribadong mamamayan, inaasahan pa rin niyang dadalo ito sa mga pagdinig kung ipapatawag ito ng Senate Committee. 

Gayunpaman, napagkasunduan sa senado ang pagbaba ng subpoena kay Cabral dahil hindi raw “excuse” ang kaniyang pagbibitiw para hindi dumalo sa mga isasagawang pagdinig. 

Kaya sa kasalukuyan, dahil sa naging malagim na pagpanaw ni Cabral, nais paimbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pangyayari para matiyak na walang naganap na “foul play” dahil sa pagiging isa sa central figures nito sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng mga anomalya sa flood control projects ng pamahalaan. 

Dahil pinaniniwalaan na bilang dating Undersecretary sa planning ng DPWH, marami siyang nalalaman na mga impormasyon. 

MAKI-BALITA:  ICI, nais paimbestigahan pagkamatay ni Ex-DPWH Usec. Cabral para matiyak na walang 'foul-play'

KAUGNAY NA BALITA: 'Mafia style?' Harry Roque, sinabing ikatlong namatay si Cabral nang magsimula flood control scams

Sean Antonio/BALITA