Nagbigay ng pahayag si Senate President Tito Sotto III matapos ianunsiyo ni Sen. Ping Lacson ang plano nitong pagbibitiw bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sa isinagawang press conference nitong Lunes, Oktubre 6, sinabi ni Sotto na frustrated umano si Lacson.
“Sen. Lacson is frustrated,” sabi ni Sotto. “He is not stressed. Sanay sa stress ‘yon, e. Pero ang nakikita niya, frustrated because maghe-hearing siya, may umaangal. ‘Bakit naghe-hearing?’ ‘Pag ‘di siya nag-hearing, may umaangal. ‘Bakit hindi naghe-hearing?’”
“I think the way he ran the Blue Ribbon Committee hearing is very good. So, siguro the man is frustrated,” dugtong pa niya.
Gayunman, sinabi ni Sotto na suportado umano niya si Lacson sa anomang maging desisyon nito.
Aniya, “I will accept whatever decision he makes. And he has my 100% support, whatever it is.”
Sa ngayon, hindi pa masabi ni Sotto kung pinal na ang desisyong ito ng kaniyang kapuwa senador.
Matatandaang inihayag ni Lacson sa isang radio interview noong Oktubre 5 na nakahanda raw siyang bumaba bilang chairman ng nasabing komite bunsod umano ng kaniyang mga kapuwa senador.
“Dahil sa mga naririnig ko na pahiwatig ng aking mga kasamahan eh isa sa mga konsiderasyon ko, mag-move o mag-submit na lang ng aking resignation bilang chairperson at humanap sila ng ibang puwede mag-chairman ng Blue Ribbon committee," saad ni Lascon.
Maki-Balita: 'Maybe stepping down is an option!' sey ni Lacson, sa pagiging Blue Ribbon Chair niya
Samantala, pansamantala namang sinuspinde noong Oktubre 4 ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects.
KAUGNAY NA BALITA: Senado, pansamantalang sinuspinde pagdinig sa isyu ng flood control projects