Naghayag ng buong suporta si House Speaker Martin Romualdez sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa pahayag na inilabas ni Romualdez nitong Lunes, Setyembre 15, sinabi niyang sa pamamagitan ng ARAL, mabibigyan ng matibay na pundasyon ang mga estudyante sa susunod pang mga baitang.
“Matagal na nating hangad na palakasin ang kakayahan ng ating mga mag-aaral sa pagbabasa, sipnayan, at agham—hindi lamang upang sila ay makahabol sa klase, kundi para mabigyan sila ng matibay na pundasyon sa mga susunod pang baitang,” saad ni Romualdez.
Dagdag pa niya, “Sa pamamagitan ng ARAL Program, maaalalayan na natin ang ating mga anak hanggang sila ay maging kumpiyansa sa kanilang kaalaman.”
Ayon sa House Speaker, patunay umano ang pagsasabatas ng naturang programa sa pagmamahal at pagkalinga ng gobyerno sa kinabukasan ng kabataan na posibleng maging susunod na pinuno ng Pilipinas.
Kaya naman bilang mambabatas, buo ang suporta ni Romualdez sa programa ng Pangulo.
Aniya, “Hindi kami titigil at patuloy kaming gagawa ng mga panukalang batas at maglalaan ng pondo upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral at guro.”
Matatandaang Oktubre 2024 nang pirmahan ni Marcos, Jr. ang ARAL Act na naglalayong bumuo ng learning intervention sa buong bansa upang matulungan ang mga estudyante nahihirapang makasabay sa pamantayang kinakailangan sa bawat grade levels.