Namaalam na ang karakter ni McCoy De Leon na si “David” sa patok na primetime series ng ABS-CBN na “FPJ’s Batang Quiapo.”
Sa latest episode ng nasabing serye noong Martes, Hunyo 24, nasukol ng grupo ni “Miguelito”—played by Jake Cuenca—si David sa gitna ng mainit na pakikipaglitan ng putok sa kapatid nitong si “Tanggol, “ na ginagampanan naman ni Coco Martin.
Bigong nailigtas ni Tanggol si David mula sa kamay ni Miguelito. Naghihingalo na ang kapatid niya nang maabutan niya ito. Nakatakas na rin ang may-sala.
Kaya sa isang Facebook post ng CCM Productions noon ding Martes, pinasalamatan nila ang karakter na ginampanan ni McCoy.
“Lahat ng emosyon pinadama mo sa amin: mula galit hanggang awa. Maraming salamat sa iyong binigay na buhay, David,” saad sa caption.
Matatandaang maraming beses pinanggigilan si David ng mga tagasubaybay ng “Batang Quiapo” dahil sa mga ginawa nito kay Tanggol at sa iba pang karakter sa serye.
Ngunit bago nalagutan ng hininga, nakahingi naman siya ng tawad sa kaniyang utol.
MAKI-BALITA: Gigil na mga Caviteño: McCoy De Leon, gustong ‘tapusin’ na
MAKI-BALITA: McCoy De Leon, gusto nang 'patayin'