June 07, 2025

Home BALITA National

SHS, tanggal? Rationalized basic education program, panukala ni Jinggoy

SHS, tanggal? Rationalized basic education program, panukala ni Jinggoy
Photo courtesy: via MB

May panukalang-batas si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada kung sakaling matatanggal ang Senior High School level sa K-12 program ng basic education system ng Department of Education (DepEd).

Hayagan kasing sinabi ni Estrada na tila wala naman daw nangyayari sa SHS level dahil hindi nito naabot ang mga layunin nito, simula nang ma-implement noong 2013.

"Samu't saring batikos at pagtutol mula sa iba't ibang sektor ang narinig natin nang ipatupad ang repormang ito sa edukasyon. Sa loob ng labingdalawang taon, mula nang maisabatas ito, hindi pa rin ganap na nakakamit ang layunin nito," ani Estrada patungkol sa Republic Act No. 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013.

"Hindi natin pwedeng hayaan na patuloy na maging pasanin ng mga estudyante at kanilang mga magulang ang dagday na oras at gastos ng senior high school. Bakit natin hahayaan na patuloy na maging dagdag pasanin sa oras at gastusin ang dalawang taon sa high school level kung hindi naman natutupad ang layunin nito?" dagdag pa ng senador.

National

Akbayan galit na; magkakasa ng 3 araw na protesta sa harap ng Senado!

Sa panukalang pagtanggal ng SHS level, sinabi ni Estrada na mananatili ang mga pangunahing prinsipyo ng RA 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013. Layon umano ng panukalang amyenda na gawing mas simple at mas maayos ang sistema ng high school habang tinitiyak pa rin ang kalidad ng edukasyon na akma sa pandaigdigang pamantayan.

Sa ilalim ng rationalized basic education program, iminungkahi ng senador ang isang taong edukasyon sa kindergarten, anim na taon sa elementarya at apat na taon sa secondary education.

"Ang panukalang ito ay isang praktikal na hakbang upang ayusin ang ating sistema ng edukasyon -- upang ito'y maging mas episyente, mas mahusay sa paggamit ng pondo, at mas makabuluhan para sa ating mga mag-aaral," giit niya.

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Jinggoy Estrada, ipu-push na mabaklas ang SHS sa K-12

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang Kalihim ng Department of Education (DepEd) na si Sonny Angara tungkol dito.