Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi panangga ang face masks laban sa sakit na monkeypox (mpox) at sa halip ay pinayuhan ang publiko na umiwas na magkaroon ng close contact sa mga taong infected nito.
Ayon kay DOH Spokesman at Assistant Secretary Albert Domingo, walang dahilan upang magtaas ng presyo sa mga face masks dahil hindi naman ito mabisang panangga laban sa mpox.
Paliwanag ni Domingo, ang mpox ay hindi airborne kaya’t hindi makatutulong ang face masks upang iwasan ito.
Giit pa niya, kahit nakasuot ng face mask ang isang tao, kung magkakaroon naman ito ng close contact at makikipaghalikan o makikipagyakapan pa rin sa taong infected ng sakit, ay maaari pa ring mahawahan nito.
“Hindi face masks ang panangga sa mpox. Wag nilang tataasan ang presyo at wag nilang sabihin na mataas ang demand dahil DOH na ang nagsasabi na hindi ‘yan ang ginagamit sa mpox. Puwede kang mag-face mask pero kung magki-kissing ka pa rin, hugging-hugging, makakakuha ka pa rin ng mpox,” dagdag pa ni Domingo, sa panayam sa radyo.
Nilinaw naman ni Domingo na ang mpox ay hindi sexually transmitted disease dahil kahit maghalikan o magyakapan lang ay maaari nang mahawa nito.
“Sa mpox, kahit hindi ka nagkaroon ng pagtatalik, kahit yumakap ka lang, or kahit humalik ka lang, which is strictly speaking not sex, puwede ka pa ring makakuha ng mpox. Ang importante rito ay ‘yong balat sa balat,” aniya.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mpox ay isang viral illness na maaaring magdulot ng masasakit na rashes, paglaki ng lymph nodes, lagnat, pananakit ng ulo, kalamnan at likod, at pagbaba ng enerhiya.
Maaari itong ihawa sa ibang tao sa pamamagitan ng close contact, gaya ng skin-to-skin contact o pagyayakapan o pakikipagtalik; mouth-to-mouth o mouth-to-skin contact, gaya ng paghahalikan, at pakikipag-face-to-face sa isang taong may mpox, gaya ng pag-uusap nang malapitan.