Iginiit ni dating Senador Leila de Lima na dapat na umano magbitiw sa puwesto si Solicitor General Menardo Guevarra matapos nitong umiwas na depensahan ang pamahalaan laban sa petisyon ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Korte Suprema.
Matatandaang nitong Lunes, Marso 18, nang ihain ng Office of the Solicitor General (OSG), sa pangunguna ni Guevarra, ang manipestasyon ng pag-iwas sa tungkulin nitong depensahan ang pamahalaan laban sa mga isinampang petition for habeas corpus nina Rep. Paolo, Mayor Baste at Kitty Duterte sa Korte Suprema para maibalik sa Pilipinas ang kanilang ama mula sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).
Batay sa nasabing Manifestation and Motion, nanindigan ang OSG na walang kapangyarihan o hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.
Kaugnay nito, sa isang video message nitong Martes, Marso 18, iginiit ni De Lima na dapat agad nang magbitiw sa puwesto si Guevarra sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos dahil pinili raw nitong hindi gampanan ang kaniyang tungkulin.
“The primary obligation and duty of the Solicitor General is to defend the government. If he cannot defend the government, not even on the basis of conflict of interest, but on insisting on a personal legal opinion that is not even crucial to defending the public officials involved, it is time for him to go,” saad ni De Lima.
“Magre-recuse ka na nga lang, dahil pa sa maling opinyon sa batas, at desisyon ng Korte Suprema,” mensahe pa niya kay Guevarra.
Iginiit din ng dating senador na nagkamali umano si Marcos Jr. sa pagtalaga kay Guevarra bilang solicitor general.
“BBM was clearly mistaken in appointing Guevarra as Solicitor General as he now appears to be in fact the Duterte sleeper agent out to sabotage the BBM administration that we always warned him about,” saad niya.
Kamakailan lamang nang maghain ang mga anak ng dating pangulo ng petition for habeas corpus para maibalik ito sa Pilipinas.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC sa The Hague, Netherlands si FPRRD dahil sa kasong “crimes against humanity” kaugnay ng madugong giyera kontra droga nito.
Nakatakda ang confirmation of charges hearing para sa dating pangulo sa ICC sa Setyembre 23, 2025.
MAKI-BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025