March 06, 2025

Home BALITA National

Kanlaon, 2 beses nagbuga ng abo!

Kanlaon, 2 beses nagbuga ng abo!
Bulkang Kanlaon (Courtesy: Phivolcs/FB)

Dalawang beses na nagbuga ng abo ang Bulkang Kanlaon sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Huwebes, Marso 6.

Base sa inilabas na ulat ng Phivolcs, tumagal ang naturang pagbuga ng abo ng Kanlaon ng isa hanggang siyam na minuto.

Bukod dito, naitala ang tatlong volcanic earthquakes sa bulkan at naglabas din daw ito ng 2,574 tonelada ng sulfur dioxide noon lamang Miyerkules, Marso 6.

Naitala sa namamagang bunganga ng bulkan ang 300 metrong taas na plume (o walang patid na pagsingaw) na napapadpad pakanluran.

National

PBBM, sinagot ang tanong kung sino dapat managot sa gumuhong tulay sa Isabela

Dahil dito, nagbabala ang Phivolcs sa publiko na maaaring maganap sa Kanlaon ang biglaang pagsabog, pagbuga ng lava, pag-ulan ng abo, Pyroclastic Density Current (PDC), rockfall, at pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.

Nananatili raw na mataas ang aktibidad ng Kanlaon na nakataas pa rin sa Alert Level 3 (magmatic unrest).

Kaya naman, ipinayo ng ahensya ang paglikas ng mga nakapaloob sa anim na kilometrong (6 km) radius mula sa tuktok ng bulkan.

Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa tuktok ng Kanlaon.

“Manatili pong naka-alerto, laging mag-ingat, at sumunod sa paalala at babala ng mga otoridad dahil nariyan pa rin ang banta ng mapaminsalang pagsabog ng bulkan lalo’t ito ay nakataas pa rin sa Alert Level 3 at posibleng maitaas pa sa Alert Level 4 ayon sa Phivolcs,” paalala rin ng Office of Civil Defense (OCD).

Matatandaang noong Disyembre 9 nang itaas ng Phivolcs sa alert level 3 ang bulkan kasunod ng naging pagputok nito.

MAKI-BALITA: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!