Kung usap-usapan ang pinakakawalang makahulugang Instagram stories ng aktres na si Andi Eigenmann na espekulasyon ng mga netizen na may kinalaman sa dahilan ng umano'y pag-unfollowan nila ng partner na si Philmar Alipayo sa kani-kanilang Instagram accounts, hindi rin naman pahuhuli ang huli sa kaniyang cryptic posts.
Batay umano sa cryptic Instagram stories ni Philmar ay tila dumedepensa na siya sa mga pasaring ni Andi patungkol sa maaari at posibleng dahilan ng kanilang umano'y hiwalayan.
Unang naghinala ang mga netizen na maaaring may pinagdaraanan ngayon ang relasyon ng mag-partner nang dahil sa makahulugang Instagram story ni Andi patungkol sa "Year of the Snake."
Aniya, "I just found out its the year of the snake!! I thought it was the year of the wolf in sheep’s clothing!"
Mas lalo pang tumindi ang espekulasyon ng mga netizen na may kinalaman sa love life ang shine-share ni Andi dahil sa mga sumunod niyang cryptic posts patungkol sa "red flag," at iba pa.
Isa na rito ang lumulutang na may "couple tattoo" raw si Philmar sa isa nilang kaibigang dayuhan na kumakalat na rin sa social media.
Sa isa pang Instagram story, sinabi ni Andi na may nakita na siyang "red flags" subalit pinili niyang huwag nang pansinin ito.
Ibinahagi pa ni Andi ang isang quote card na mababasa ang ganito, "They stab you and pretend they are the ones bleeding."
Kung sisilipin naman ang Instagram stories ni Philmar, makikita ang tila "pagsalag" niya sa isyu.
Aniya (na nakasalin sa wikang Ingles),"Whatever you read is true. No more hiding (lies) because it only makes things harder. You already know who I am, so maybe you already know who she is. No need to elaborate further."
"You all can call me a cheater and ugly now. But thank you to the people who truly know me," habol pa ni Philmar.
![](https://cdn.balita.net.ph/balita/uploads/images/2025/02/08/8698.jpg)
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o direktang kumpirmasyon sina Andi at Philmar patungkol sa estado ng relasyon nila sa kasalukuyan. Bukas ang Balita sa kanilang panig.
KAUGNAY NA BALITA: Year of the Snake: Cryptic posts ni Andi inintriga, hiwalay na kay Philmar?